Ang Pandistrito at Internasyonal na mga Kombensiyon ay Nag-uudyok sa Atin na Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos!
Ang “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na Pandistrito at Internasyonal na mga Kombensiyon ay nakapagbigay ng napakalaking patotoo. Ang mahahalagang teokratikong okasyon na ito ay nakatulong upang dakilain ang pangalan ni Jehova at upang pahusayin ang ating kakayahan na ‘mag-ukol kay Jehova ng kaluwalhatiang nararapat sa kaniyang pangalan.’ (Awit 96:8) Tunay nga, nararapat siyang luwalhatiin dahil sa kaniyang kahanga-hangang mga gawa ng paglalang, na nagpapakita ng kaniyang kamangha-manghang mga katangian.—Job 37:14; Apoc. 4:11.
Ginagamit ang sumusunod na mga tanong pati na ang iyong personal na mga nota, maghanda at makibahagi sa repaso sa programa ng kombensiyon na gaganapin sa linggo ng Pebrero 23.
1. Paano inihahayag ng walang-buhay na mga nilalang ang kaluwalhatian ng Diyos, at paano ito naiiba sa paraan ng pagpuri ng mga tao sa kaniya? (Awit 19:1-3; “Inihahayag ng Sangnilalang ang Kaluwalhatian ng Diyos”)
2. Anong kasalukuyang katuparan ang inilalarawan ng pagbabagong-anyo, at sa anong paraan napasisigla ang mga Kristiyano sa ngayon dahil sa katuparang ito? (Pinakatemang pahayag, “Pinasisigla Tayo ng Maluwalhati at Makahulang mga Pangitain!”)
3. Paano natin malilinang ang uri ng kapakumbabaan na ipinakita ni propeta Daniel, at paano tayo makikinabang sa pagpapamalas nito? (Dan. 9:2, 5; 10:11, 12; “Isiniwalat ang Kaluwalhatian ni Jehova sa mga Mapagpakumbaba”)
4. (a) Anong tatlong bagay hinggil sa paghatol ng Diyos ang matututuhan natin mula sa hula ni Amos? (Amos 1:3, 11, 13; 9:2-4, 8, 14) (b) Anong praktikal na aral ang matututuhan ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon mula sa babalang halimbawa na masusumpungan sa Amos 2:12? (“Ang Hula ni Amos—Ang Mensahe Nito Para sa Ating Panahon”)
5. (a) Ano ang mga panganib ng labis na paggamit ng inuming de-alkohol, kahit na hindi nalalasing ang isang tao? (b) Paano maitutuwid ang problema sa pagpapakalabis sa inuming de-alkohol? (Mar. 9:43; Efe. 5:18; “Iwasan ang Silo ng Pag-abuso sa Inuming De-alkohol”)
6. Paano ka nakikinabang mula sa bagong publikasyon na ‘Tingnan Mo ang Mabuting Lupain’? (“‘Ang Mabuting Lupain’—Isang Patikim sa Paraiso”)
7. Sa anong tatlong paraan maaari nating ‘ipaaninag ang kaluwalhatian ni Jehova tulad ng mga salamin’? (2 Cor. 3:18; “Ipaaninag ang Kaluwalhatian ni Jehova Tulad ng mga Salamin”)
8. Ano ang pinagmumulan ng di-makatarungang pagkapoot, at ano ang makatutulong sa atin upang mapanatili ang katapatan natin kahit na makaranas tayo ng gayong pagkapoot? (Awit 109:1-3; “Kinapopootan Nang Walang Dahilan”)
9. Ano ang tulad-Kristong pangmalas sa kadakilaan, at paano malalaman ng isang tao na kailangan niyang pasulungin ang pangmalas na ito nang lalong higit? (Mat. 20:20-26; “Linangin ang Tulad-Kristong Pangmalas sa Kadakilaan”)
10. Ano ang makatutulong sa atin upang manatiling masigla sa espirituwal sa kabila ng pagkapagod sa pisikal? (“Pagód Ngunit Hindi Nanghihimagod”)
11. Ano ang ilang ahensiya na ginagamit ni Satanas upang itaguyod ang kasinungalingan, at ano ang angkop na maka-Kasulatang sagot sa mga pagsisikap na sirain ang ating pananampalataya? (Juan 10:5; “Mag-ingat sa ‘Tinig ng Ibang mga Tao’”)
12. (a) Paano matutularan ng mga magulang ang halimbawa ni Jesus gaya ng nakaulat sa Marcos 10:14, 16? (b) Ano ang nagustuhan mo sa bagong aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro? (“Ang Ating mga Anak—Isang Pinakamamahal na Mana”)
13. Paano pinupuri ng mga kabataan si Jehova? (1 Tim. 4:12; “Kung Paano Pinupuri ng mga Kabataan si Jehova”)
14. Anong mga eksena sa drama na “Pagpapatotoo Nang May Katapangan sa Kabila ng Pagsalansang” ang tandang-tanda mo?
15. Paano natin matutularan ang halimbawa na ipinakita (a) nina Pedro at Juan? (Gawa 4:10) (b) ni Esteban? (Gawa 7:2, 52, 53) (c) ng unang-siglong kongregasyong Kristiyano? (Gawa 9:31; drama at pahayag na “Ihayag ang Mabuting Balita ‘Nang Walang Humpay’”)
16. (a) Ipinasiya nating magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos sa anu-anong paraan? (b) Sa ano tayo makatitiyak habang ikinakapit natin ang ating natutuhan sa “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na mga Kombensiyon? (Juan 15:9, 10, 16; “‘Patuloy na Mamunga Nang Marami’ sa Ikaluluwalhati ni Jehova”)
Sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mainam na espirituwal na pagtuturo na iniharap sa kombensiyon, mapakikilos tayo na ikapit ang mga bagay na ating natutuhan. (Fil. 4:8, 9) Ito ang magpapalakas sa ating determinasyon na ‘gawin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.’—1 Cor. 10:31.