Paglinang ng Matalik na Kaugnayan kay Jehova
1.Ano ang natanto ng isang kapatid na babae hinggil sa kaniyang espirituwal na rutin?
1 “Mga 20 taon na ako sa katotohanan na basta dumadalo lang at nakikibahagi sa ministeryo sa larangan,” ang inamin ng isang Kristiyanong kapatid na babae. Gayunman, sinabi pa niya: “Nahinuha ko na bagaman mahalaga ang mga bagay na ito, hindi sapat ang mga ito para mapalakas ako kapag nagiging mahirap ang mga kalagayan. . . . Natanto ko ngayon na kailangan kong baguhin ang aking pag-iisip at simulan ang isang makabuluhang programa ng pag-aaral upang makilala ko talaga si Jehova at matutuhan ko siyang ibigin at pahalagahan ang ibinigay ng kaniyang Anak sa atin.”
2. Bakit mahalaga na linangin ang matalik na kaugnayan kay Jehova?
2 Ang pagkakaroon ng malapít na personal na kaugnayan kay Jehova ay nangangailangan ng pagsisikap. Humihiling ito ng higit pa kaysa sa basta pagsunod sa isang rutin ng Kristiyanong gawain. Kung hindi tayo regular na makikipag-usap kay Jehova, sa kalaunan ay magiging katulad siya ng isang dating malapít na kaibigan na hindi na natin nakakausap. (Apoc. 2:4) Suriin natin kung paano tayo matutulungan ng personal na pag-aaral ng Bibliya at pananalangin upang malinang ang matalik na kaugnayan kay Jehova.—Awit 25:14.
3. Anong pamamaraan sa personal na pag-aaral ang makatutulong sa atin na maging malapít sa Diyos?
3 Mahalaga ang Pananalangin at Pagbubulay-bulay: Ang personal na pag-aaral na nakapagpapalusog sa puso ay nagsasangkot ng higit pa kaysa sa pagsalungguhit lamang sa susing mga punto sa materyal na pinag-aaralan at paghanap sa binanggit na mga kasulatan. Humihiling ito ng pagmumuni-muni sa isinisiwalat ng impormasyon hinggil sa mga daan, pamantayan, at personalidad ni Jehova. (Ex. 33:13) Ang pag-unawa sa espirituwal na mga bagay ay nakaaantig sa ating damdamin at nagpapakilos sa atin na pag-isipan ang ating sariling buhay. (Awit 119:35, 111) Dapat isagawa ang personal na pag-aaral sa layuning mapalapít kay Jehova. (Sant. 4:8) Ang seryosong pag-aaral ay nangangailangan ng panahon gayundin ng tamang kapaligiran, at ang regular na pag-aaral ay nangangailangan ng disiplina. (Dan. 6:10) Kahit napakaabala ng iyong buhay, naglalaan ka ba ng panahon bawat araw upang bulay-bulayin ang kamangha-manghang mga katangian ni Jehova?—Awit 119:147, 148; 143:5.
4. Paanong ang pananalangin bago mag-aral nang personal ay tumutulong sa atin na malinang ang malapít na kaugnayan kay Jehova?
4 Ang taos-pusong pananalangin ay isang mahalagang bahagi ng makabuluhang personal na pag-aaral. Upang maantig ng mga katotohanan sa Bibliya ang ating puso at mapakilos tayo na ‘mag-ukol sa Diyos ng sagradong paglilingkod nang may makadiyos na takot at sindak,’ kailangan natin ang banal na espiritu ng Diyos. (Heb. 12:28) Kaya naman, dapat nating buksan ang bawat pag-aaral sa pamamagitan ng pagsusumamo kay Jehova para sa kaniyang espiritu. (Mat. 5:3) Habang minumuni-muni natin ang Kasulatan at ginagamit ang mga pantulong sa pag-aaral na inilalaan ng organisasyon ni Jehova, binubuksan natin ang ating puso kay Jehova. (Awit 62:8) Ang pag-aaral sa ganitong paraan ay isang gawa ng pagsamba kung saan ipinahahayag natin ang ating debosyon kay Jehova at pinatitibay ang ating pag-ibig sa kaniya.—Jud. 20, 21.
5. Bakit mahalaga na bulay-bulayin natin ang Salita ng Diyos araw-araw?
5 Gaya ng lahat ng ugnayan, ang ating kaugnayan kay Jehova ay kailangang laging alagaan upang patuloy itong lumago habang tayo’y nabubuhay. Kaya bilhin nawa natin ang panahon bawat araw upang maging malapít sa Diyos, sa pagkabatid na siya ay lalapit din naman sa atin.—Awit 1:2, 3; Efe. 5:15, 16.