Espirituwal na Pagkain sa Tamang Panahon
1. Paano natutupad sa ngayon ang Ezekiel 36:29?
1 “Tatawagin ko ang butil at pasasaganain ko iyon, at hindi ako magpapasapit sa inyo ng taggutom,” ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova. (Ezek. 36:29) Kumakapit sa bayan ng Diyos sa ngayon ang makahulang mga salitang ito. Sa makasagisag na paraan, saganang pinasibol ni Jehova ang nagbibigay-buhay na butil para sa kaniyang bayan. Ang katotohanang ito ay malinaw na inilalarawan ng napapanahong espirituwal na pagkaing inilalaan sa pamamagitan ng ating mga pandistritong kombensiyon.
2. Paano ginagamit ni Jehova ang mga pandistritong kombensiyon upang magbigay ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon?
2 Sa kombensiyong idinaos sa Columbus, Ohio, noong 1931, inakay ni Jehova ang kaniyang mga mananamba na gamitin ang isang bagong pangalan—Mga Saksi ni Jehova. (Isa. 43:10-12) Noong 1935, tumpak na ipinakilala ang malaking pulutong ng Apocalipsis 7:9-17. Noong 1942, binigkas ni Brother Knorr ang pahayag na “Kapayapaan—Magtatagal ba Ito?” Pinasigla ng pahayag na ito ang pangglobong gawaing pangangaral at umakay ito sa pagtatatag ng Watchtower Bible School of Gilead. Bagaman ang ilang kombensiyon ay lalo nang di-malilimutan, ang bawat isa sa mga ito ay napatunayang isang mesa na may saganang nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain na inihain sa tamang panahon.—Awit 23:5; Mat. 24:45.
3. Ano ang dapat nating gawin upang makinabang sa espirituwal na piging sa ating pandistritong kombensiyon?
3 Sapat ba ang Iyong Kinakain? Posible na makaranas pa rin ng malnutrisyon kahit na napaliligiran tayo ng pagkain kung hindi naman tayo magsisikap na kumain. (Kaw. 26:15) Totoo rin ito sa espirituwal na diwa. Sa ilang kombensiyon, napansin na marami ang palakad-lakad nang di-kinakailangan o nakikipagkuwentuhan sa panahon ng programa. Bagaman isang mahalagang aspekto ng kombensiyon ang nakapagpapatibay na pagsasamahan, ang panahon para rito ay bago at pagkatapos ng bawat sesyon. (Ecles. 3:1, 7) Kung wala tayo sa ating upuan at hindi matamang nakikinig, maaaring makalampas sa atin ang isang mahalagang punto. Paminsan-minsan ay maaaring masumpungan ng mga tagapangasiwa ng departamento sa kombensiyon at ng mga kapatid na may mga atas na kailangang ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa kombensiyon samantalang may sesyon. Subalit maliban dito, dapat silang magpakita ng halimbawa sa pamamagitan ng pagiging atentibo sa programa. Hindi dapat palampasin ng sinuman sa atin ang anumang espirituwal na pagkaing inilalaan.—1 Cor. 10:12; Fil. 2:12.
4. Paano natin maipakikita na tayo ay mapagpasalamat sa saganang paglalaan ni Jehova?
4 Lubos tayong nagagalak sa saganang espirituwal na mga katotohanang inilalaan ni Jehova, na kabaligtaran ng walang-sustansiyang huwad na mga doktrina ng Sangkakristiyanuhan! (Isa. 65:13, 14) Ang isang paraan upang ‘maipakita natin na mapagpasalamat tayo’ ay malasin ang kombensiyon bilang isang pagkakataon upang maturuan ni Jehova. (Col. 3:15) Magtuon ng pansin sa mensahe, hindi sa tagapagsalita, at ituring na iyon ay nagmumula sa ating “Dakilang Tagapagturo.” (Isa. 30:20, 21; 54:13) Magbigay ng matamang pansin. Kumuha ng maiikling nota hinggil sa mga susing punto. Repasuhin ang tampok na mga bahagi ng programa bawat gabi. Ikapit ang inyong natututuhan.
5. Anu-anong dahilan ng kagalakan ang ibinibigay sa atin ng mga pandistritong kombensiyon?
5 Ito man ay idinaraos sa kampo ng mga nagsilikas, sa lupaing ginigiyagis ng digmaan, o sa mas malaki at mas mapayapang kapaligiran, ang bawat kombensiyon bago ang Armagedon ay isang tagumpay laban kay Satanas! Bilang isang nagkakaisang kapatiran, pinahahalagahan natin ang ating mga pagkakataong magsama-sama sa mga pandistritong kombensiyon. (Ezek. 36:38) Nagtitiwala tayo na minsan pa ay maibiging maglalaan sa atin si Jehova ng “pagkain sa tamang panahon.”—Luc. 12:42.
[Kahon sa pahina 4]
Ipakita ang Pagpapahalaga sa Mesa ni Jehova
◼ Magtuon ng matamang pansin
◼ Isulat ang mga susing punto
◼ Repasuhin ang tampok na mga bahagi ng programa bawat gabi
◼ Ikapit ang iyong natututuhan