“Magpalawak”
1. Ano ang pananagutan ng bawat isa sa atin?
1 Sa Kristiyanong kapatiran, pananagutan ng bawat isa sa atin na tumulong sa pagpapasigla sa kongregasyon. (1 Ped. 1:22; 2:17) Nalilikha ang gayong kasiglahan kapag ‘pinalalawak’ natin ang ating magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. (2 Cor. 6:12, 13) Bakit ba mahalaga na makilala nating mabuti ang ating mga kapatid?
2. Bakit mahalagang linangin ang pakikipagkaibigan sa mga kapananampalataya?
2 Tumitibay ang Pagkakaibigan: Habang lalo nating nakikilala ang ating mga kapananampalataya, lalo naman nating napahahalagahan ang kanilang pananampalataya, pagbabata, at iba pang maiinam na katangian. Waring nagiging maliit na bagay na lamang ang kanilang mga pagkukulang, at tumitibay ang mga buklod ng pagkakaibigan. Dahil lubos nating kilala ang isa’t isa, nasa mas mabuti tayong kalagayan na patibayin at aliwin ang isa’t isa. (1 Tes. 5:11) Maaari tayong maging “tulong na nagpapalakas” sa isa’t isa upang malabanan ang nakapipinsalang mga impluwensiya ng sanlibutan ni Satanas. (Col. 4:11) Dahil sa mga huling araw na ito na puno ng mga panggigipit, laking pasasalamat natin na mayroon tayong mabubuting kaibigan sa bayan ni Jehova!—Kaw. 18:24.
3. Paano tayo magiging tulong na nagpapalakas sa iba?
3 Ang matatalik na kaibigan ay maaaring maging pantanging pinagmumulan ng lakas at kaaliwan kapag napapaharap tayo sa matitinding pagsubok. (Kaw. 17:17) Ganito ang naaalaala ng isang Kristiyano na nakipagpunyagi sa damdamin ng kawalang-halaga: “May mga kaibigan na nagsasabi ng positibong mga bagay tungkol sa akin upang matulungan akong mapagtagumpayan ang aking negatibong mga kaisipan.” Isang pagpapala mula kay Jehova ang gayong mga kaibigan.—Kaw. 27:9.
4. Paano natin higit na makikilala ang iba sa kongregasyon?
4 Magpakita ng Interes sa Iba: Paano natin mapalalawak ang ating magiliw na pagmamahal sa ating mga kapananampalataya? Bukod sa pagbati sa iba sa mga pulong Kristiyano, sikapin na makipag-usap sa kanila sa makabuluhang paraan. Magpakita ng personal na interes nang hindi naman nanghihimasok sa kanilang personal na buhay. (Fil. 2:4; 1 Ped. 4:15) Ang isa pang paraan upang maipakita natin ang interes sa iba ay sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na kumaing kasama natin. (Luc. 14:12-14) O maaari mong isaayos na gumawang kasama nila sa ministeryo sa larangan. (Luc. 10:1) Habang nagkukusa tayo na higit na makilala ang ating mga kapatid, itinataguyod natin ang pagkakaisa sa kongregasyon.—Col. 3:14.
5. Ano ang isang paraan upang mapalawak natin ang ating pakikipagkaibigan?
5 Ugali ba natin na piliin bilang matatalik na kasama yaon lamang mga kaedad natin o mga indibiduwal na kapareho natin ng hilig? Hindi natin dapat hayaan na limitahan ng gayong mga salik ang mga pagkakaibigang nililinang natin sa kongregasyon. Nalinang nina David at Jonatan gayundin nina Ruth at Noemi ang matitibay na buklod ng pagkakaibigan bagaman hindi sila magkaka-edad at iba’t iba ang kanilang pinagmulan. (Ruth 4:15; 1 Sam. 18:1) Mapalalawak mo ba ang iyong pakikipagkaibigan? Magdudulot ng di-inaasahang mga pagpapala ang paggawa nito.
6. Ano ang ilang kapakinabangan ng pagpapalawak ng ating magiliw na pagmamahal sa ating mga kapatid?
6 Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng ating magiliw na pagmamahal sa iba, napatitibay natin ang isa’t isa at naitataguyod ang kapayapaan sa kongregasyon. Karagdagan pa, pagpapalain tayo mismo ni Jehova dahil sa pag-ibig na ipinakikita natin sa ating mga kapatid. (Awit 41:1, 2; Heb. 6:10) Bakit hindi mo gawing tunguhin na higit na makilala ang mas maraming kapatid hangga’t maaari?