Tinutulungan ni Jehova ang mga Nagtitiwala sa Kaniya
1 Minamalas ng marami ang salapi, kapangyarihan, at kakayahan ng tao bilang mga susi sa tagumpay. (Awit 12:4; 33:16, 17; 49:6) Gayunman, tinitiyak ng Bibliya sa mga natatakot kay Jehova at naglalagak ng kanilang tiwala sa kaniya na “siya ang kanilang tulong at kanilang kalasag.” (Awit 115:11) Isaalang-alang natin ang dalawang pitak na doo’y kailangan nating ipamalas ang ating pagtitiwala kay Jehova.
2 Bilang mga Kristiyanong Ministro: Kailanma’t gumaganap tayo ng mga atas sa kongregasyon o nagtuturo sa ministeryo sa larangan, dapat tayong manalig sa ating Diyos. Isaalang-alang ang halimbawa ni Jesus. Bagaman siya ang Anak ng Diyos, hindi siya nagtiwala sa kaniyang sariling karunungan o kakayahan kundi lubusan siyang nanalig sa kaniyang makalangit na Ama. (Juan 12:49; 14:10) Lalo pa ngang higit na kailangan nating gawin ito! (Kaw. 3:5-7) Saka lamang makapagpaparangal kay Jehova at makatutulong sa iba ang ating limitadong mga pagsisikap kung taglay natin ang kaniyang pagpapala.—Awit 127:1, 2.
3 Ipinamamalas natin ang ating pananalig kay Jehova sa pamamagitan ng pananalangin ukol sa kaniyang patnubay at tulong ng kaniyang banal na espiritu. (Awit 105:4; Luc. 11:13) Karagdagan pa, ipinakikita natin ang ating pagtitiwala sa Diyos kapag ibinabatay natin ang ating pagtuturo sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Ang mensahe nito ay may lakas upang umantig ng mga puso at magpabago ng mga buhay. (Heb. 4:12) Kapag ‘naglilingkod tayo na umaasa sa lakas na inilalaan ng Diyos,’ naluluwalhati si Jehova.—1 Ped. 4:11.
4 Pagharap sa mga Problema: Kailangan din nating umasa kay Jehova ukol sa tulong kapag napapaharap sa mga panggigipit at problema. (Awit 46:1) Halimbawa, baka mag-atubili ang ating amo na bigyan tayo ng bakasyon upang makadalo sa isang asamblea, o baka mapaharap tayo sa mapanghamong kalagayan sa ating buhay pampamilya. Ipinakikita natin ang ating pagtitiwala kay Jehova sa pamamagitan ng marubdob na pagsusumamo sa kaniya at pagkakapit ng patnubay na inilalaan niya sa pamamagitan ng kaniyang Salita at organisasyon. (Awit 62:8; 119:143, 173) Sa paggawa nito, nararanasan ng mga lingkod ni Jehova ang kaniyang tulong sa kanilang buhay.—Awit 37:5; 118:13, 16.
5 Tinitiyak sa atin ni Jehova mismo: “Pagpalain ang matipunong lalaki na naglalagak ng kaniyang tiwala kay Jehova, at ang kaniyang pag-asa ay si Jehova.” (Jer. 17:7) Ipamalas nawa natin ang ating pagtitiwala sa kaniya sa lahat ng ating ginagawa!—Awit 146:5.