Kung Paano Tayo Nakikinabang sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
1 Ang bayan ni Jehova ay may natatanging pribilehiyo na tumanggap ng teokratikong edukasyon. (Isa. 54:13; Juan 6:45) Gayunman, ang laki ng pakinabang na natatamo natin mula rito ay nakasalalay nang malaki sa mga pagsisikap na ginagawa natin. Nakikita mo ba ang kapaki-pakinabang na mga epekto ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa iyong espirituwalidad?
2 Positibong mga Komento: Napansin ng maraming tagapangasiwa sa paaralan na naging mas mabisa ang kongregasyon sa ministeryo sa larangan dahil sa detalyadong pag-aaral hinggil sa mga kalidad sa pagsasalita. Karagdagan pa, napansin ng isang tagapangasiwa sa paaralan na mas marami ang nakaaalinsabay sa iskedyul ng pagbasa sa Bibliya dahil sa kaayusan ng pagkokomento ng mga tagapakinig hinggil sa mga tampok na bahagi sa Bibliya. Hinggil naman sa Atas Blg. 2, maraming kapatid na lalaki ang natutuwa hinggil sa mga kapakinabangan ng pagtutuon ng pansin sa materyal na babasahin nang hindi na kailangan pang maghanda ng introduksiyon at konklusyon. Higit ngayong nabibigyang-pansin ng mga inatasan sa bahaging ito ang pagpapasulong ng kanilang mga kasanayan sa pagbasa.—1 Tim. 4:13.
3 Makikinabang ang Lahat: Nakapagpapasigla ang pagkokomento sa mga pulong. (Kaw. 15:23) Dahil patiuna na nating natatanggap ang mga tanong sa oral na repaso, nakapaghahanda tayo at nakasasagot sa repaso. Bukod diyan, simula sa isyu ng Ang Bantayan na Enero 1, 2004, lumilitaw ang mga tampok na bahagi sa mga aklat ng Bibliya na katugma ng iniatas na pagbasa sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Marami ang natutulungan ng mga artikulong ito na makapagbigay ng nakapagpapatibay na mga komento sa mga tampok na bahagi sa Bibliya. Ang ilang tanong sa oral na repaso sa mga isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian sa hinaharap ay ibabatay sa mga artikulong ito ng Bantayan.
4 Ang lahat ng nakatala sa paaralan ay may pantanging pribilehiyo na maghanda at gumanap ng mga atas. Makikinabang tayong lahat sa positibong mga komento ng tagapangasiwa sa paaralan mula sa plataporma. Higit pang nakikinabang ang indibiduwal na mga estudyante mula sa mga payo na maaari niyang ibigay nang sarilinan pagkatapos ng pulong. Naglalaan ng karagdagang tulong ang mga pagsasanay na tumatalakay sa mga kalidad sa pagsasalita sa katapusan ng bawat kabanata ng aklat na Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.
5 Kapag itinawag-pansin sa iyo ang praktikal at maka-Kasulatang mga punto sa panahon at pagkatapos ng paaralan, itala ang mga iyon sa iyong kopya ng aklat-aralin na Paaralan Ukol sa Ministeryo. Bulay-bulayin ang iyong natutuhan, at isaalang-alang kung paano pinasusulong ng pitak na ito ng pagtuturo ng Diyos ang iyong espirituwalidad.