Tanong
◼ Ano ang pinakamainam na paraan ng pag-aabuloy para sa nangangailangang mga kapatid sa ibang bansa?
Kung minsan, nababalitaan natin na nagigipit sa materyal na pangangailangan ang ating mga kapatid sa ibang bansa dahil sa pag-uusig, sakuna, o iba pang mahihirap na kalagayan. Naudyukan ang ilang kapatid na tuwirang magpadala ng salapi sa mga tanggapang pansangay sa mga bansang iyon. Maaaring hinihiling nila na gamitin ang salaping iyon upang makatulong sa isang espesipikong indibiduwal, sa isang partikular na kongregasyon, o sa isang proyekto sa pagtatayo.—2 Cor. 8:1-4.
Bagaman kapuri-puri ang gayong maibiging pagkabahala para sa mga kapananampalataya, kadalasan nang may mga pangangailangan na mas apurahan kaysa sa nasa isip ng nag-aabuloy. Sa ilang kalagayan, ang espesipikong pangangailangan na gustong tugunan ng nag-aabuloy ay naasikaso na. Mangyari pa, makapagtitiwala tayo na kapag ipinadala ang mga kontribusyon sa lokal na tanggapang pansangay para sa pambuong-daigdig na gawain, Kingdom Hall Fund, o para sa mga biktima ng sakuna, ang mga salaping iniabuloy ay gagamitin sa paraang itinagubilin ng nag-abuloy.
Ang lahat ng sangay ay lubusang sinanay upang mabilis na matugunan ang di-inaasahang mga pangangailangan ng mga kapatid. Anuman ang mangyari, ipinagbibigay-alam ng sangay sa Lupong Tagapamahala ang hinggil sa bagay na ito. Kung kailangan pa ng karagdagang tulong, maaaring anyayahan ng Lupong Tagapamahala ang kalapit na mga sangay upang tumulong o maaaring tuwirang ipadala ang salapi mula sa punong-tanggapan.—2 Cor. 8:14, 15.
Kaya ang lahat ng kontribusyon para sa pambuong-daigdig na gawain, mga proyekto ng pagtatayo sa ibang bansa, o para sa mga biktima ng sakuna ay dapat ipadala sa tanggapang pansangay sa bansang tinitirhan mo, tuwiran man o sa pamamagitan ng kongregasyon. Sa ganitong paraan, maayos na maaasikaso ng “tapat at maingat na alipin,” sa pamamagitan ng mga kaayusang pang-organisasyon na itinatag ng Lupong Tagapamahala, ang mga pangangailangan ng pambuong-daigdig na kapatiran.—Mat. 24:45-47; 1 Cor. 14:33, 40.