Patuloy na Patibayin ang Isa’t Isa
1 Ginawa ni apostol Pablo ang kaniyang buong makakaya upang patibayin ang kaniyang mga kapananampalataya. (2 Cor. 11:28, 29) Sa katulad na paraan, nababahala tayo kapag napapaharap sa mahihirap na kalagayan ang ating mga kapatid, at nais nating tulungan sila. Ipinakikita ng Bibliya na ang lahat, hindi lamang ang mga elder, ay dapat magmalasakit sa iba. (Roma 15:1, 2) Isaalang-alang ang dalawang paraan upang masunod natin ang maibiging payo: “Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.”—1 Tes. 5:11.
2 Alamin ang Pangangailangan ng Iba: Iniuulat ng Salita ng Diyos na si Dorcas ay “nanagana sa mabubuting gawa at mga kaloob ng awa.” (Gawa 9:36, 39) Inalam niya kung sino ang mga nangangailangan at ginawa niya ang kaniyang buong makakaya upang tulungan sila. Napakainam ng halimbawang ipinakita niya sa atin! Baka may nalalaman kang may-edad nang nangangailangan ng masasakyan patungo sa pulong. O baka may payunir na walang makasama sa paglilingkod sa hapon kapag simpleng araw. Kung nalaman mong may nangangailangan ng gayong tulong at tinulungan mo siya, isip-isipin na lamang kung paano mo mapatitibay ang isang iyon!
3 Pag-uusap Hinggil sa Espirituwal na mga Bagay: Mapatitibay rin natin ang iba sa pamamagitan ng ating pananalita. (Efe. 4:29) Ganito ang sinabi ng isang makaranasang elder: “Kung gusto mong maging nakapagpapatibay, pag-usapan ang espirituwal na mga bagay. Upang pasimulan ang isang nakapagpapatibay na usapan, maaari mong gamitin ang simpleng tanong, gaya ng, ‘Paano ka napunta sa katotohanan?’” Magpakita ng taimtim na interes sa mga kabataan sa kongregasyon. Magpakita ng interes sa mga nasisiraan ng loob at sa mga mahiyain. (Kaw. 12:25) Huwag hayaang matabunan ng pag-uusap tungkol sa libangan ng sanlibutan ang pakikipag-usap natin sa ating mga kapananampalataya hinggil sa espirituwal na mga bagay.—Roma 1:11, 12.
4 Subalit ano naman kaya ang masasabi mo upang mapatibay ang iba? Sa iyong personal na pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya, may nasumpungan ka ba kamakailan na isang simulaing nagpasidhi ng iyong pagpapahalaga kay Jehova? May narinig ka ba sa isang pahayag pangmadla o sa isang Pag-aaral sa Bantayan na nakapagpasigla sa iyo? O naantig ba ang iyong puso ng isang nakapagpapatibay-pananampalatayang karanasan? Kung pakaiingatan natin sa puso ang gayong espirituwal na mga hiyas, lagi tayong may nakapagpapatibay na bagay na maibabahagi sa iba.—Kaw. 2:1; Luc. 6:45.
5 Sa pamamagitan ng pag-aalok ng praktikal na tulong at may-katalinuhang paggamit ng ating dila, patuloy nawa nating mapatibay ang isa’t isa.—Kaw. 12:18.