Gumawa ng Mabuti at Magbahagi sa Iba
1 Si Dorcas ay “nanagana sa mabubuting gawa at mga kaloob ng awa.” (Gawa 9:36, 39) Napamahal siya sa mga nakakakilala sa kaniya at sa Diyos na Jehova dahil sa kaniyang bukas-palad na saloobin. Sinasabi sa Hebreo 13:16: “Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.” Paano tayo makagagawa ng mabuti at makapagbabahagi sa iba ngayon?
2 Ang isang paraan upang matulungan natin ang iba ay ang pagbabahagi ng ating “mahahalagang pag-aari.” (Kaw. 3:9) Dahil sa ating mga kontribusyon para sa pambuong-daigdig na gawain, naitatayo ang mga Kingdom Hall, Assembly Hall, at mga pasilidad ng sangay sa buong daigdig. Milyun-milyon ang nakikinabang sa teokratikong pagtuturo at sa nakapagpapatibay na espirituwal na pagsasamahan dahil sa ating pagkabukas-palad.
3 Magbigay ng Kaaliwan: Sa panahon ng kasakunaan, ang bayan ni Jehova ay handang ‘gumawa ng mabuti’ sa mga kapananampalataya at di-kapananampalataya. (Gal. 6:10) Pagkatapos sumabog ang isang planta ng kemikal sa Pransiya, isang mag-asawang nakatira sa tabi ng planta ang nagsabi ng ganito: “Dumating kaagad ang aming mga kapatid na Kristiyano upang tumulong sa paglilinis ng aming apartment at niyaong sa iba pa sa gusali. Gulat na gulat ang aming mga kapitbahay nang makita na napakaraming tao ang dumating upang tumulong.” Ganito pa ang sinabi ng isang sister: “May-pagkakaisang inalalayan kami ng matatanda. Dumating sila upang patibayin kami. Sa katunayan, mas kailangan namin ito, kaysa sa materyal na tulong.”
4 Bagaman maraming paraan upang makagawa tayo ng mabuti sa ating kapuwa, ang pinakakapaki-pakinabang na paraan upang matulungan natin sila ay ang ibahagi ang mahalagang kaalaman sa katotohanan, kalakip dito ang “pag-asa sa buhay na walang hanggan” na ipinangako ni Jehova mismo. (Tito 1:1, 2) Ang mensahe ng Bibliya ay nagdudulot ng kaaliwan sa mga nagdadalamhati dahil sa mga situwasyon sa daigdig at sa kanilang makasalanang kalagayan. (Mat. 5:4) Gumawa nawa tayo ng mabuti at magbahagi sa iba kung nasa kapangyarihan ng ating kamay na gawin ito.—Kaw. 3:27.