Linangin ang Kakayahang Makipagkatuwiranan sa Iba
1. Anong ulat sa Bibliya ang susuriin natin, at bakit?
1 Ang pahayag ni apostol Pablo sa isang sinagoga sa Antioquia ng Pisidia, gaya ng nakaulat sa Gawa 13:16-41, ay nagbibigay ng mainam na halimbawa kung paano tayo makikipagkatuwiranan sa iba. Isinaalang-alang ni Pablo ang pinagmulan at karanasan, at mentalidad ng kaniyang mga tagapakinig at ibinagay niya rito ang kaniyang presentasyon ng mabuting balita. Habang sinusuri natin ang ulat na ito, ating isaalang-alang kung paano natin matutularan ito sa ating ministeryo.
2. Ano ang matututuhan natin sa ginawang pambungad ni Pablo sa kaniyang pahayag?
2 Hanapin Kung Saan Kayo Magkakasundo: Bagaman nakasentro ang mensahe ni Pablo sa pangunahing papel ni Jesus sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos, hindi ito ang ginawang pambungad ni Pablo sa kaniyang pahayag. Sa halip, nagsalita siya hinggil sa isang bagay na pamilyar sa kaniya at sa kaniyang mga tagapakinig na karamihan ay mga Judio—ang kasaysayan ng mga Judio. (Gawa 13:16-22) Sa katulad na paraan, magiging mas mabisa tayo sa pag-abot sa iba kung sisikapin nating alamin ang mga bagay na pamilyar sa atin at sa ating kausap. Baka kailangang pasiglahin natin silang ipahayag ang kanilang niloloob sa pamamagitan ng mataktikang pagtatanong at pakikinig na mabuti upang maunawaan kung ano talaga ang mahalaga sa kanila.
3. Bakit nahirapan ang mga tagapakinig ni Pablo na tanggapin si Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas?
3 Sa pagtalakay hinggil sa kasaysayan ng mga Judio, ipinaalaala ni Pablo sa kaniyang mga tagapakinig ang pangako ng Diyos na magbangon ng isang Tagapagligtas mula sa angkan ni David. Gayunman, ang hinihintay ng maraming Judio ay isang bayaning sundalo na magpapalaya sa mga Judio mula sa panunupil ng mga Romano at gagawing pinakamakapangyarihan sa lahat ang bansang Judio. Walang pagsalang alam nila na si Jesus ay itinakwil ng mga Judiong lider ng relihiyon sa Jerusalem, ibinigay sa mga awtoridad na Romano, at pinatay. Paano sila makukumbinsi ni Pablo na ang Isang ito ang ipinangakong Mesiyas?
4. Paano buong-husay na nakipagkatuwiranan si Pablo sa mga tagapakinig niyang Judio?
4 Ibagay ang Iyong Pamamaraan: Dahil alam ni Pablo ang mentalidad ng kaniyang mga tagapakinig, ginamit niya ang Kasulatan upang makipagkatuwiranan sa kanila salig sa mga bagay na tanggap na nila. Halimbawa, ipinakilala niya si Jesus bilang supling ni David at bilang isa na tinukoy ni Juan na Tagapagbautismo, na itinuturing ng marami bilang propeta ng Diyos. (Gawa 13:23-25) Binanggit ni Pablo na sa pagtatakwil kay Jesus at paghatol sa kaniya ng kamatayan, “tinupad [ng mga relihiyosong lider] ang mga bagay na binigkas ng mga Propeta.” (Gawa 13:26-28) Karagdagan pa, ipinaliwanag niya na may mga nakasaksi nang ibangon si Jesus mula sa mga patay, at itinawag-pansin niya ang pamilyar na mga bahagi sa Kasulatan na natupad nang buhaying muli si Jesus.—Gawa 13:29-37.
5. (a) Paano ibinagay ni Pablo ang kaniyang pamamaraan nang makipag-usap siya sa mga tagapakinig na Griego? (b) Paano natin matutularan ang halimbawa ni Pablo kapag nagpapatotoo tayo sa ating teritoryo?
5 Sa kabilang panig, nang magsalita siya sa mga tagapakinig na Griego sa Areopago sa Atenas, ibang paraan naman ang ginamit ni Pablo. (Gawa 17:22-31) Gayunman, iisang saligang mensahe ang iniharap niya, at sa dalawang pagkakataong iyon, naging matagumpay ang kaniyang pagsisikap. (Gawa 13:42, 43; 17:34) Gayundin sa ngayon, magiging mas mabisa tayo sa ating ministeryo kung sisikapin nating alamin kung saan tayo magkakasundo ng ating mga tagapakinig at kung ibabagay natin ang ating pamamaraan ayon sa kanilang pinagmulan at karanasan, at mentalidad.