Ihayag ang Kaluwalhatian ni Jehova
1 Inihayag ng salmista: “Umawit kayo kay Jehova, lahat kayong mga tao sa lupa. . . . Ipahayag ninyo ang kaniyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa, ang kaniyang mga kamangha-manghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan.” Habang minumuni-muni natin ang ginawa, ginagawa, at gagawin pa ni Jehova para sa atin, inuudyukan tayo ng ating puso na ihayag ang kaniyang kaluwalhatian!—Awit 96:1, 3.
2 Sa Ating Ministeryo: Karangalan ng mga Saksi ni Jehova na taglayin ang pangalan ng Diyos at purihin ito sa madla sa buong lupa. (Mal. 1:11) Kaylaking kaibahan nito sa klero ng Sangkakristiyanuhan, na may-kapangahasang nag-alis sa pangalan ng Diyos sa kanilang mga salin ng Bibliya! Apurahan ang pagpapakilala sa pangalan ng Diyos, yamang kailangang tumawag ang mga tao sa pangalang iyan nang may pananampalataya upang maligtas sila sa dumarating na malaking kapighatian. (Roma 10:13-15) Bukod diyan, nakasalalay sa pagpapabanal sa pangalan ng Diyos ang kapayapaan ng buong uniberso, lakip na ang kapayapaan ng mga tumatahan sa lupa. Tunay nga, ang lahat ng gawa ng Diyos ay nauugnay sa kaniyang pangalan.
3 “Si Jehova ay dakila at lubhang marapat na purihin.” Ngunit upang “mag-ukol [ang mga tao] kay Jehova ng kaluwalhatiang nararapat sa kaniyang pangalan,” kailangan nilang malaman ang katotohanan tungkol sa kaniya. (Awit 96:4, 8) Gayunman, ikinakaila ng ilan na umiiral ang Diyos. (Awit 14:1) Sinisiraang-puri naman siya ng iba sa pagsasabing wala siyang kapangyarihan, o inaangkin nilang hindi siya interesado sa mga nangyayari sa sangkatauhan. Habang tinutulungan natin ang tapat-pusong mga tao na magtamo ng tumpak na kaalaman tungkol sa ating Maylalang, sa kaniyang mga layunin, at sa kaniyang kasiya-siyang personalidad, niluluwalhati natin si Jehova.
4 Sa Pamamagitan ng Ating Paggawi: Ang pamumuhay kasuwato ng matuwid na mga pamantayan ni Jehova ay nagpaparangal sa kaniya. Napapansin ng iba ang ating mainam na paggawi. (1 Ped. 2:12) Halimbawa, dahil sa ating malinis at maayos na hitsura, maaaring maudyukan ang iba na positibong magkomento hinggil sa atin, na nagbibigay naman sa atin ng pagkakataon upang makausap sila hinggil sa mga kapakinabangan ng pamumuhay alinsunod sa mga simulain na masusumpungan sa Salita ng Diyos. (1 Tim. 2:9, 10) Tunay ngang malulugod tayo kapag ‘nakita ng iba ang ating maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa ating Ama na nasa langit’!—Mat. 5:16.
5 Sa pamamagitan ng salita at gawa, dakilain natin araw-araw ang ating maringal na Diyos, sa gayo’y tumutugon tayo sa masayang paanyaya: “Umawit kayo kay Jehova, pagpalain ninyo ang kaniyang pangalan. Sa araw-araw ay ihayag ninyo ang mabuting balita ng kaniyang pagliligtas.”—Awit 96:2.