Magpakita ng Personal na Interes—Sa Pamamagitan ng Pagiging Mapagmasid
1 Wala nang huhusay pa sa Diyos na Jehova at kay Kristo Jesus sa pag-alam sa espesipikong mga pangangailangan ng mga tao at sa pagtulong sa mga ito. (2 Cro. 16:9; Mar. 6:34) Kapag nalaman natin kung saan interesado at kung ano ang ikinababahala ng mga nakakausap natin sa ating ministeryo, maaari nating ibagay ang ating presentasyon ng mabuting balita alinsunod dito.
2 Magbigay-Pansin sa mga Detalye: Si Jesus ay mapagmasid. (Mar. 12:41-43; Luc. 19:1-6) Sa katulad na paraan, kung paglapit natin sa pintuan ng may-bahay at napansin natin ang mga dekorasyong may kaugnayan sa relihiyon, islogan sa sasakyan, o mga laruan sa bakuran, makagagawa tayo ng mga pagkakataon upang mabisang makapagpatotoo hinggil sa mabuting balita.
3 Maaari nating malaman ang nadarama ng isang tao sa ekspresyon ng kaniyang mukha at sa kaniyang pagkilos. (Kaw. 15:13) Marahil nangangailangan siya ng kaaliwan dahil sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay o iba pang nakapipighating kalagayan. Maaaring pahalagahan niya ang pagbabahagi natin sa kaniya ng ilang angkop na teksto. (Kaw. 16:24) Nagmamadali bang umalis ang may-bahay o may karga ba siyang sanggol na umiiyak? Kung oo, baka mas mabuting isaayos na bumalik na lamang sa ibang pagkakataon. Sa pagiging makonsiderasyon at sa ‘pagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao,’ maaaring mapakilos natin ang taong iyon na makinig pagbalik natin.—1 Ped. 3:8.
4 Ibagay ang Iyong mga Komento: Napansin ni apostol Pablo na ang lunsod ng Atenas ay may isang altar na nakaalay “Sa Isang Di-kilalang Diyos.” Nakaimpluwensiya ito sa kaniyang paraan ng paghaharap ng mabuting balita, dahil sinabi niya: “Yaong pinag-uukulan ninyo ng makadiyos na debosyon nang di-namamalayan, ito ang ipinahahayag ko sa inyo.” Ang mataktikang pamamaraan ni Pablo ay nagpakilos sa ilang naroroon na magbigay-pansin sa mensahe ng Kaharian at maging mananampalataya.—Gawa 17:23, 34.
5 Sa katulad na paraan, ang pagiging mapagmasid natin ay makatutulong sa atin na makita kung saan interesado ang isang tao at sa gayo’y maibabagay natin ang ating pamamaraan. Gumamit ng mga tanong na magpapasigla sa may-bahay na sabihin ang kaniyang niloloob. Umisip ng mga teksto na magagamit upang pasidhiin ang kaniyang interes. (Kaw. 20:5) Ang pagiging mapagmasid natin at pagpapakita ng taimtim at personal na interes sa iba ay tutulong sa atin na maging mabisa sa pagbabahagi ng mabuting balita.