Magpakita ng Personal na Interes—Sa Pamamagitan ng Pagiging Madaling Makibagay
1 Nagpakita si apostol Pablo ng mainam na halimbawa sa pagsisikap na palaging ibagay ang kaniyang presentasyon ng mabuting balita sa pinagmulan at mentalidad ng kaniyang mga tagapakinig. (1 Cor. 9:19-23) Dapat na pagsikapan din natin na gawin ang gayon. Kung mag-iisip tayo nang patiuna, kadalasan nang maibabagay natin ang halimbawang mga presentasyong makikita sa Ating Ministeryo sa Kaharian sa pangangailangan ng mga tao sa ating teritoryo. Sa paglapit natin sa pinto, maaaring makita natin ang ilang bagay na nagpapahiwatig kung saan interesado ang may-bahay at pagkatapos ay ilakip ito sa ating presentasyon. Gayunman, may isa pang paraan upang madali tayong makibagay sa ating ministeryo.
2 Iangkop ang Presentasyon sa Sinasabi ng May-bahay: Kapag inihaharap ang mabuting balita, kadalasan nang nagbabangon tayo ng tanong at inaanyayahan ang mga may-bahay na magkomento. Paano mo itinuturing ang mga komento nila? Basta pinasasalamatan mo na lamang ba ang kanilang sagot at pagkatapos ay ipinagpapatuloy ang iyong inihandang presentasyon? O makikita ba sa iyong sinasabi na isinasaalang-alang mo ang mga komento ng mga may-bahay? Kung ikaw ay may taimtim na interes sa sinasabi ng iba, maaari kang gumamit ng karagdagang mataktikang mga tanong upang malaman kung ano talaga ang iniisip nila. (Kaw. 20:5) Sa gayon, maiisip mo ang mga pitak ng mensahe ng Kaharian na talagang naaangkop sa mga bagay na ikinababahala ng tagapakinig.
3 Upang magawa ito, dapat na handa nating ipakipag-usap ang iba pang mga paksa bukod sa plano nating talakayin. Kung magsisimula tayo sa pamamagitan ng pagkokomento sa isang problemang iniulat sa balita at pagkatapos ay binanggit naman ng may-bahay ang isang lokal o personal na bagay na ikinababahala niya, ang ating taimtim na interes na matugunan ang pangangailangan ng may-bahay ang magpapakilos sa atin na ituon ang ating pakikipagtalakayang salig sa Bibliya sa paksang pinakamahalaga sa kaniya.—Fil. 2:4.
4 Ibagay ang Ating Pamamaraan: Kapag nagtanong ang may-bahay, baka makabubuting ipagpatuloy ang talakayan sa ibang panahon kapag nakapagsaliksik na tayo ng karagdagang impormasyon hinggil sa paksa. Makapag-aalok din tayo ng mga publikasyon na mas detalyadong tumatalakay sa paksang iyon. Ang paggawa ng lahat ng ito ay nagpapakita ng ating taimtim na interes na tulungan ang iba na makilala si Jehova.—2 Cor. 2:17.