Kung Paano Maghahanda ng Presentasyon sa Pag-aalok ng Magasin
1. Bakit mas mabuting maghanda ng personal na presentasyon sa pag-aalok ng magasin sa halip na basta sauluhin ang halimbawang nasa Ating Ministeryo sa Kaharian?
1 Baka isipin mo, ‘Bakit ba kailangan pang maghanda ng presentasyon sa pag-aalok ng magasin, yamang lumalabas naman sa bawat isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian ang mga presentasyon?’ Bagaman nakatutulong sa marami ang mga halimbawang presentasyong ito, kailangan pa rin ang personal na paghahanda. Ang isang presentasyong mabisa sa isang teritoryo ay maaaring hindi naman praktikal sa iba. Kung gayon, hindi natin dapat isiping obligado tayong gamitin ang eksaktong mga salita sa halimbawang presentasyon sa paghaharap ng magasin. Gamitin man natin ang halimbawang presentasyon, pinakamabuti pa rin kung sasabihin natin ito sa ating sariling salita.
2. Ano ang kailangang gawin sa pagpili ng artikulong itatampok mo?
2 Pumili ng Artikulo: Pagkatapos basahin ang magasin, pumili ng isang artikulo na angkop sa inyong teritoryo at gustung-gusto mo. Baka dahil sa iyong kombiksiyon at sigla sa paghaharap ng artikulo, magustuhan din ng may-bahay na basahin ito. Bagaman malamang na itampok mo ang isang artikulo na magugustuhan sa inyong teritoryo, dapat na alam na alam mo rin ang ibang artikulo sa magasin. Tutulong ito upang mabago mo ang iyong presentasyon kung may makausap kang interesado sa ibang paksa.
3. Anong uri ng pambungad ang ginagamit mo na nagkakaroon ng pinakamagandang resulta?
3 Magtanong: Pagkatapos, ihandang mabuti ang iyong pambungad. Mahalaga ito. Makatutulong kung magbabangon ka ng nakapupukaw na tanong sa may-bahay para magkaroon siya ng interes sa artikulong napili mong itampok. Kadalasan nang pinakamabisa ang mga tanong na humihingi ng opinyon. Iwasang magtanong ng mga bagay na magiging dahilan para maasiwa o makipagtalo ang may-bahay.
4. Anu-ano ang pakinabang ng pagbabasa ng teksto sa may-bahay kapag ipinahihintulot ito ng kalagayan?
4 Magbasa ng Teksto: Pinakahuli, pumili ng isang teksto na babasahin mo kung ipahihintulot ng kalagayan ng may-bahay, marahil yaong nasa artikulong itatampok mo. Tutulong ang pagbabasa ng teksto upang makita ng may-bahay na ang ating mensahe ay mula sa Salita ng Diyos. (1 Tes. 2:13) Makapagbibigay rin ng patotoo sa kaniya ang teksto kahit na hindi siya kumuha ng mga magasin. Napukaw ng ilan ang interes ng may-bahay nang magbasa muna sila ng teksto bago magbangon ng espesipikong tanong. Maaari mong sabihin bago basahin ang teksto, “Gusto ko po sanang malaman ang inyong opinyon sa talatang ito sa Bibliya.” Saka mo ibaling ang pansin ng may-bahay sa isang kaugnay na punto sa magasin, at magkomento nang maikli para pukawin pa ang kaniyang interes bago ito ialok.
5. Anong mga tagubilin ang dapat mong tandaan kapag naghahanda ng presentasyon ng magasin?
5 Walang mahigpit na mga tuntunin tungkol sa mga bagay na sasabihin kapag nag-aalok ng mga magasin. Sa pangkalahatan, pinakamainam kung pananatilihin mong simple at maikli ang iyong presentasyon. Gumamit ng paraan ng paglapit na madali para sa iyo at nagkakaroon ng magandang resulta. Magtuon ng pansin sa kahalagahan ng mga magasin, at maging masigla. Kung handang-handa ka, magiging mas mabisa ka sa pagpapasakamay ng Ang Bantayan at Gumising! sa mga taong “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.”—Gawa 13:48.