Ginaganap Mo Ba Nang Lubos ang Iyong Ministeryo?
1 Sa aklat ng Mga Gawa, sinabi sa atin na ginanap ng mga alagad ni Jesus ang kanilang ministeryo sa pamamagitan ng ‘lubusang pagpapatotoo’ sa mga tao. (Gawa 2:40; 8:25; 28:23) Tiyak na iyon ang tunguhin ni apostol Pablo. (Gawa 20:24) Hindi ba’t ganito ang iyong tunguhin bilang isang ministro ng mabuting balita? Paano mo maisasagawa ito?
2 Ihanda ang Iyong Presentasyon: Upang tiyak na makapagbigay ka ng isang mabisang patotoo sa ministeryo, mahalaga ang paghahanda. Ito ay lalo nang totoo kapag nag-aalok ng mga magasin, yamang ang paksang tinatalakay ay laging nagbabago. Upang tulungan tayong higit na masangkapan, ang isyung ito ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay naghaharap ng isang bagong artikulo—ang hanay na nasa kaliwa, na nagtatala ng mga halimbawang presentasyon para sa kasalukuyang labas ng mga magasing Bantayan at Gumising! Isang napapanahong paksa na aakit sa maraming tao ang itatampok sa bawat isyu. Paano mo mabubuo ang maiikling presentasyong ito?
3 Pumili ng isang mungkahi na sa palagay mo ay magiging napakabisa sa inyong teritoryo. Maingat na basahin ang itinatampok na artikulo, at pansinin ang espesipikong mga punto na malamang na makapupukaw ng interes. Humanap sa magasin ng isang binanggit na kasulatan na kaugnay ng tinatalakay at na maaari mong basahin sa may-bahay. Idagdag ang isang maikling konklusyon upang pasiglahin ang iyong tagapakinig na basahin ang magasin at isang maikling pangungusap, kung angkop, na nagsasabing ang may-bahay ay maaaring magbigay ng donasyon para sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova. Ngayon, insayuhin ang iyong presentasyon.
4 Isaplano ang Paggamit ng Bibliya: Sa pamamagitan ng mabuting pagpaplano, kadalasa’y maaaring ilakip ang isang kasulatan sa iyong presentasyon. Halimbawa, ang makaranasang mga mamamahayag sa maraming lugar ay nagiging matagumpay sa pagtungo sa bahay-bahay hawak ang Bibliya, na binabati ang may-bahay, at sinasabi:
◼ “Tinatanong namin ang mga tao kung pinaniniwalaan nila ito . . .” Basahin ang Genesis 1:1, at pagkatapos ay magtanong: “Sang-ayon ba kayo sa pangungusap na ito?” Kung sang-ayon ang tao, sabihin: “Gayundin ako. Gayunman, kung nilalang ng Diyos ang lahat ng mga bagay, sa palagay ba ninyo’y siya rin ang may pananagutan sa kabalakyutan?” Pagkatapos makinig sa katugunan ng tao, basahin ang Eclesiastes 7:29. Buksan ang aklat na Kaalaman sa pahina 71, at basahin ang parapo 2. Pasiglahin ang tao na basahin ang aklat. Kung hindi sang-ayon ang may-bahay sa pangungusap sa Genesis 1:1, himukin siyang suriin ang aklat na Creation.
5 Subaybayan ang Lahat ng Interes: Hindi mo lubos na magaganap ang iyong ministeryo kung hindi mo patuloy na susubaybayan ang nasumpungang interes. Kapag naging kawili-wili ang inyong pag-uusap, nakapagpasakamay ka man ng mga magasin o iba pang literatura, itala ang pangalan at direksiyon ng tao. Matiyagang pagsikapang linangin ang interes ng tao sa pamamagitan ng pagbabalik kaagad. Tiyaking mag-alok ng isang pag-aaral sa Bibliya.
6 Batid ng unang-siglong mga alagad na sila’y inutusan ni Jesus na “lubusang magpatotoo.” (Gawa 10:42) Ang gayunding utos ay kumakapit sa atin, sapagkat ito lamang ang tanging paraan upang tayo ay makagawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Gawin natin ang ating buong makakaya upang lubusang ganapin ang ating ministeryo.—2 Tim. 4:5.