Magpakita ng Personal na Interes—Sa Pamamagitan ng Paghahanda
1 Ang mabuting paghahanda sa ministeryo ay tumutulong sa atin na magpakita ng personal na interes sa iba. Paano? Kung handang-handa tayo, mas mabibigyang-pansin natin ang may-bahay kaysa ang ating presentasyon. Bukod diyan, tumutulong ito upang hindi tayo kabahan at makapagsalita tayo nang bukal sa puso. Gayunman, paano tayo makapaghahanda ng mabisang presentasyon?
2 Gumamit ng Angkop na Presentasyon: Pumili mula sa Enero 2006 ng Ating Ministeryo sa Kaharian ng isa sa mga mungkahing presentasyon na angkop sa inyong lugar, at pag-isipan kung paano mo ito sasabihin sa iyong sariling pananalita. Ibagay ito sa inyong teritoryo. Halimbawa, kung madalas kang makatagpo ng mga taong kabilang sa isang partikular na relihiyon o etnikong grupo, pag-isipan kung paano gagawing kaakit-akit sa kanila ang presentasyon. Kung ibinabagay mo ang iyong presentasyon sa mga indibiduwal na nakakausap mo, nagpapakita ka ng taimtim na interes sa kanila.—1 Cor. 9:22.
3 Kapag ginamit mo na ang presentasyon, mag-isip ng mga paraan upang mapabuti mo pa ito. Yamang napakahalaga ng unang mga salitang sasabihin mo, pansinin ang reaksiyon ng mga tao sa iyong introduksiyon. Interesado ba sila sa paksa? Sumasagot ba sila sa mga tanong mo? Kung hindi, baguhin ang iyong pamamaraan hanggang sa makahanap ka ng mabisang presentasyon.
4 Mga Pantulong sa Memorya: Marami ang nakalilimot sa kanilang presentasyon kapag nasa pintuan na sila ng may-bahay. Kung nangyayari iyan sa iyo, nasubukan mo na bang mag-ensayo anupat binibigkas nang malakas sa iba ang iyong presentasyon? Tutulong ito para maging malinaw sa isip mo ang mga ideya at masabi ito sa simple at lohikal na paraan. Tutulong din ito para maging handa kang harapin ang iba’t ibang reaksiyon ng may-bahay.
5 Ang isa pang pantulong sa memorya ay ang pagsulat ng maikling sumaryo ng presentasyon sa isang piraso ng papel at pagsulyap dito bago ka lumapit sa pintuan. Natuklasan ng ilan na tumutulong ang maikling paalaalang ito para maging mas relaks sila at mas mabisa sa pakikipag-usap sa mga tao. Sa ganitong mga paraan, ang mabuting paghahanda ay nakatutulong sa atin na magpakita ng personal na interes sa iba at sa gayon ay pinasusulong ang ating presentasyon ng mabuting balita.