Turuan ang Maaamo na Lumakad sa Daan ng Diyos
1. Ano ang nasasangkot sa paggawa ng mga alagad?
1 Ang mga alagad ni Kristo noong unang siglo ay tinukoy na kabilang sa “Daan.” (Gawa 9:2) Nasasangkot sa tunay na Kristiyanismo ang buong paraan ng pamumuhay ng isang tao. (Kaw. 3:5, 6) Kaya naman, kapag nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya, higit pa ang kailangan nating gawin kaysa sa basta pagbabahagi lamang ng tumpak na kaalaman hinggil sa doktrina ng Bibliya. Kailangan din nating tulungan ang mga estudyante sa Bibliya na lumakad sa daan ni Jehova.—Awit 25:8, 9.
2. Ano ang maaaring magpakilos sa isang estudyante sa Bibliya na sundin ang mga utos ng Diyos?
2 Pag-ibig kay Jehova at kay Jesus: Kaylaki ngang hamon para sa di-sakdal na mga tao na iayon ang kanilang pag-iisip, saloobin, pananalita, at paggawi kasuwato ng kalooban ng Diyos! (Roma 7:21-23; Efe. 4:22-24) Gayunman, dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang Anak, napakikilos ang maaamo na harapin ang hamong ito. (Juan 14:15; 1 Juan 5:3) Paano natin matutulungan ang ating mga estudyante sa Bibliya na malinang ang pag-ibig na ito?
3. Paano natin matutulungan ang mga estudyante na ibigin si Jehova at si Jesus?
3 Tulungan ang iyong estudyante na makilala kung anong uri ng persona si Jehova. Ganito ang sinabi ng isang kapatid: “Hindi maiibig ng mga tao ang isang indibiduwal na hindi nila kilala, kaya sa simula pa lamang ng pag-aaral, itinuturo ko na sa mga estudyante ko ang pangalan ng Diyos mula sa Bibliya, at humahanap ako ng mga pagkakataon upang itampok ang mga katangian ni Jehova.” Ang pagtatampok sa halimbawa ni Jesus ay isang mahusay na paraan upang magawa ito. (Juan 1:14; 14:9) Bukod diyan, gamitin ang kahon ng repaso sa dulo ng bawat kabanata sa aklat na Itinuturo ng Bibliya para tulungan ang estudyante na bulay-bulayin ang kamangha-manghang mga katangian ng Diyos at ng kaniyang Anak.
4. (a) Bakit hindi madali para sa maraming estudyante ang pangangaral? (b) Paano natin matutulungan ang ating mga estudyante na magsimulang makibahagi sa ministeryong Kristiyano?
4 Magturo sa Pamamagitan ng Halimbawa: Bilang mga guro at giya, ipinakikita natin sa iba sa pamamagitan ng ating mga gawa kung ano ang kahulugan ng lumakad sa daan ng Diyos. (1 Cor. 11:1) Halimbawa, hindi sanáy ang karamihan sa mga estudyante sa Bibliya na lumapit sa mga taong hindi nila kakilala para ibahagi ang kanilang mga paniniwala. Kaya naman, maaaring kailanganin ang pagtitiyaga at kasanayan upang matulungan silang linangin ang pag-ibig, pananampalataya, at lakas ng loob na kinakailangan upang makabahagi sa pangangaral at paggawa ng mga alagad. (2 Cor. 4:13; 1 Tes. 2:2) Ang pagnanais nating akayin ang ating mga estudyante ay mag-uudyok sa atin na samahan at alalayan sila kapag nagsimula silang makibahagi sa ministeryong Kristiyano.
5. Paano nakatutulong ang mabuting halimbawa upang makita ng mga estudyante kung ano ang nasasangkot sa pagsunod sa mga utos ng Diyos?
5 Ang iyong halimbawa ay makapagtuturo sa mga estudyante ng iba pang mahahalagang aspekto ng Kristiyanong pamumuhay. Kapag dinadalaw mo ang mga maysakit o mainit na tinatanggap ang iba sa mga pagpupulong ng kongregasyon, nakikita nila ang pag-ibig na may gawa. (Juan 15:12) Kapag nakikibahagi ka sa paglilinis ng Kingdom Hall o tumutulong sa iba, tinuturuan mo sila kung paano maglingkod. (Juan 13:12-15) Kapag naoobserbahan nila na namumuhay ka nang simple, nakikita nila kung ano ang kahulugan ng ‘patuloy na hanapin muna ang kaharian.’—Mat. 6:33.
6. Ano ang nagiging resulta ng pagtulong sa iba na maglingkod kay Jehova?
6 Malaking pagsisikap ang kailangan sa pagtuturo sa iba ng Salita ng Diyos at sa paggawa ng mga alagad. Ngunit talaga ngang isang kagalakan na makita ang maaamo na “patuloy na lumalakad sa katotohanan”!—3 Juan 4.