Magpakita ng Personal na Interes—Sa Pamamagitan ng Pagtingin sa Mata
1 Kapag nagpapatotoo sa madla at sa bahay-bahay, kadalasang tinitingnan natin ang ating kausap bago tayo magsalita. Sa maikling sandaling iyon, nakikita natin mula sa ekspresyon ng kanilang mukha kung ano ang nadarama nila sa ating pagkanaroroon at maging kung ano ang saloobin nila. Gayundin naman, marami silang nakikita tungkol sa atin. Ganito ang sinabi ng isang babae tungkol sa pagdalaw ng isang Saksi: “Ang natatandaan ko sa kaniyang ngiti ay ang kapayapaan. Napukaw nito ang aking interes.” Ito ang naging dahilan upang makinig ang babae sa mabuting balita.
2 Ang pagtingin sa mata ay isang mabisang paraan upang makapagpatotoo sa lansangan o sa iba pang pampublikong lugar. Isang brother ang tumitingin sa mata ng mga papalapit sa kaniya. Kapag nagkatinginan sila, ngumingiti siya at saka iniaalok ang mga magasin. Dahil dito, marami siyang nakakausap at nakapagpapasakamay siya ng maraming literatura.
3 Alamin ang Damdamin ng Iba: Ang pagtingin sa mata ay tutulong sa atin na malaman ang damdamin ng iba. Halimbawa, kung hindi niya tayo nauunawaan o hindi siya sumasang-ayon sa sinabi natin, karaniwang makikita ito sa kaniyang mukha. Kung siya ay abala o naiinip, makikita natin ito sa ekspresyon ng kaniyang mukha. Sa gayon ay maaari nating baguhin o paikliin ang ating presentasyon. Ang kabatiran natin sa damdamin ng iba ay isang mainam na paraan upang ipakita ang ating personal na interes sa kanila.
4 Kataimtiman at Kombiksiyon: Sa maraming kultura, ang pagtingin sa mata ng kausap ay pagpapakita ng kataimtiman. Pansinin kung paano sumagot si Jesus nang tanungin siya ng kaniyang mga alagad: “Sino kaya talaga ang makaliligtas?” Ang Bibliya ay nag-uulat: “Pagtingin sa kanila sa mukha, sinabi ni Jesus sa kanila: ‘Sa mga tao ay imposible ito, ngunit sa Diyos ay posible ang lahat ng mga bagay.’” (Mat. 19:25, 26) Tiyak na mas nakakakumbinsi ang pananalita ni Jesus dahil sa kombiksiyong makikita sa kaniyang mga mata. Sa katulad na paraan, ang pagtingin sa mata ay tutulong sa atin na ihatid ang mensahe ng Kaharian taglay ang kataimtiman at kombiksiyon.—2 Cor. 2:17; 1 Tes. 1:5.