“Sundan Ako Nang Patuluyan”
1 Itinutuon ng maraming tao ang kanilang buhay sa pagpapalugod sa kanilang sarili, gayunman kadalasa’y hindi sila maligaya. Kabaligtaran nito, iminungkahi ni Jesus ang landasin ng walang-pag-iimbot na pagbibigay na nagdudulot ng tunay na kaligayahan. (Gawa 20:35) Sinabi niya: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili . . . at sundan ako nang patuluyan.” (Mar. 8:34) Kasangkot dito hindi lamang ang paminsan-minsang pagkakait sa sarili ng ilang kaluguran. Nangangahulugan ito ng pamumuhay araw-araw upang palugdan, hindi ang ating sarili, kundi si Jehova.—Roma 14:8; 15:3.
2 Isaalang-alang ang halimbawa ni apostol Pablo. Dahil sa “nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus,” inihinto ni Pablo ang pagtataguyod ng personal na mga ambisyon at itinalaga ang kaniyang sarili sa pagtataguyod ng mga kapakanan ng Kaharian. (Fil. 3:7, 8) “Sa ganang akin,” ang sabi niya, “buong lugod akong gugugol at lubusang magpapagugol” sa paglilingkod sa iba. (2 Cor. 12:15) Makabubuting itanong ng bawat isa sa atin: ‘Paano ko ba ginagamit ang aking panahon, lakas, mga kakayahan, at tinatangkilik? Nakatuon ba ako sa pagtataguyod ng aking sariling mga kapakanan, o hinahangad ko bang palugdan si Jehova?’
3 Mga Pagkakataon Upang Magbigay: Taun-taon, ang bayan ng Diyos ay gumugugol ng mahigit sa isang bilyong oras para sa nagliligtas-buhay na gawaing pangangaral hinggil sa Kaharian. Sa loob ng kongregasyon, isinasagawa ng bata’t matanda ang iba’t ibang atas na pinakikinabangan ng iba. Napakaraming gawain may kaugnayan sa mga asamblea at kombensiyon gayundin sa pagtatayo at pagmamantini ng mga gusaling ginagamit upang palawakin ang tunay na pagsamba. At isip-isipin ang maibiging tulong na inilalaan ng mga kapatid na naglilingkod sa mga Hospital Liaison Committee at Patient Visitation Group. Mahalaga sa ating kapatirang Kristiyano ang lahat ng gayong mapagsakripisyong pagsisikap!—Awit 110:3.
4 Maaari tayong tumulong sa iba’t ibang paraan kapag may nangyaring sakuna o kagipitan. Subalit kadalasan, baka mapansin natin na isang kapuwa Kristiyano ang nangangailangan ng tulong o pampatibay-loob. (Kaw. 17:17) Kapag buong-puso tayong naglilingkod sa iba at itinataguyod ang mga kapakanan ng Kaharian, sinusunod natin ang halimbawa ni Jesus. (Fil. 2:5-8) Pagsikapan nawa nating gawin ito nang patuluyan.