Linangin ang Pagpapahalaga sa Walang-Kapantay na mga Katangian ni Jehova
1 Sa ating ministeryo, hindi lamang tayo nagtuturo sa iba ng saligang mga katotohanan sa Bibliya. Tinutulungan din natin ang mga tao na makilala si Jehova bilang persona at maglinang ng pagpapahalaga sa kaniyang walang-kapantay na mga katangian. Kapag nalaman ng tapat-pusong mga tao ang katotohanan tungkol sa Diyos, malaki ang epekto nito sa kanila, anupat nauudyukan silang gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay “sa layuning lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos.”—Col. 1:9, 10; 3:9, 10.
2 Bagong Pantulong Natin sa Pag-aaral: Sa simula pa lamang, itinatawag-pansin na ng aklat na Itinuturo ng Bibliya ang mga katangian ni Jehova. Sinasagot mismo ng unang kabanata ang mga tanong na: Talaga bang nagmamalasakit sa iyo ang Diyos?, Anong uri siya ng Diyos?, at Posible bang mápalapít sa Diyos? Itinatampok din ng kabanatang ito ang kabanalan ni Jehova (par. 10), ang kaniyang katarungan at habag (par. 11), ang kaniyang pag-ibig (par. 13), ang kaniyang kapangyarihan (par. 16), at ang kaniyang awa, kagandahang-loob, pagiging handang magpatawad, pagkamatiisin, at katapatan (par. 19). Binuod ng parapo 20 ang paksa sa pagsasabing: “Habang mas marami kang natututuhan tungkol kay Jehova, magiging mas totoo siya sa iyo at magkakaroon ka ng mas maraming dahilan para ibigin siya at mápalapít sa kaniya.”
3 Paano natin magagamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya para tulungan ang mga estudyante sa Bibliya na mápalapít kay Jehova? Pagkatapos talakayin ang isang parapo na nagtatampok sa isa sa mga katangian ng Diyos, maaari nating itanong sa estudyante, “Ano ang sinasabi nito sa iyo tungkol kay Jehova bilang persona?” o “Paano ipinakikita nito na interesado sa iyo mismo ang Diyos?” Kung gagamit tayo paminsan-minsan ng gayong mga tanong sa pag-aaral, matuturuan natin ang ating mga estudyante na magbulay-bulay sa kanilang natututuhan at matutulungan natin silang maglinang ng pagpapahalaga sa walang-kapantay na mga katangian ni Jehova.
4 Gamitin ang Kahon Para sa Repaso: Sa dulo ng bawat kabanata, anyayahan ang estudyante na magkomento sa kaniyang sariling salita sa bawat puntong nasa kahon na “Kung Ano ang Itinuturo ng Bibliya.” Akayin ang kaniyang pansin sa mga teksto. Upang malaman kung ano ang nasa puso ng estudyante, maaari mong itanong paminsan-minsan, “Ano ang masasabi mo sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa puntong ito?” Sa paggawa nito, hindi mo lamang maidiriin ang pangunahing mga punto ng kabanata kundi malalaman mo rin ang talagang pinaniniwalaan ng estudyante. Tutulong ito sa kaniya na magkaroon ng kaugnayan kay Jehova.