Maglinang ng Mabubuting Kaugalian, Umani ng Saganang Pagpapala
1. Bakit kapaki-pakinabang na suriin ang iyong espirituwal na rutin?
1 Noong maging Kristiyano ka, malamang na nagsikap kang magkaroon ng mainam na rutin ng espirituwal na mga gawain lakip na ang pag-aaral ng Bibliya, mga pulong Kristiyano, ministeryo sa larangan, at pananalangin. Dahil pinagpala ni Jehova ang iyong pagsisikap, sumulong ka sa espirituwal. Baka maraming taon na ngayon ang lumipas mula nang mabautismuhan ka. Taglay mo pa rin ba ang mabubuting espirituwal na kaugaliang nalinang mo noong nagsisimula kang maging Kristiyano?
2. Paano tayo nakikinabang sa araw-araw na pagbabasa ng Bibliya?
2 Suriin ang Iyong Rutin: Kaugalian mo bang magbasa ng isang bahagi ng Salita ng Diyos araw-araw? Napakaraming pagpapala ang inaani natin sa paggawa nito! (Jos. 1:8; Awit 1:2, 3) Sa sinaunang Israel, dapat basahin ng bawat hari ang kopya niya ng Kautusan “sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.” At anu-ano ang mga pakinabang nito? Magkakaroon siya ng mapagpakumbabang puso at matututo siyang matakot kay Jehova upang hindi siya lumihis mula sa Kaniyang mga utos. (Deut. 17:18-20) Gayundin naman sa ngayon, ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya ay tumutulong sa atin upang manatili tayong walang kapintasan at walang muwang sa gitna ng napakasamang sanlibutang ito. Tumutulong din ito upang lubusan tayong masangkapan sa ministeryo.—Fil. 2:15; 2 Tim. 3:17.
3. Anu-anong pagpapala ang inaani natin dahil sa regular na pagdalo sa mga pulong?
3 Nakaugalian na ni Jesus na pumunta sa sinagoga, kung saan tinatalakay ang Kasulatan. (Luc. 4:16) Walang-alinlangang pinatibay siya nito na harapin ang daranasin niyang mga pagsubok. Tayo rin ay napatitibay ng espirituwal na mga tagubiling tinatalakay sa mga pulong sa kongregasyon at sa kapaki-pakinabang na “pagpapalitan ng pampatibay-loob.” (Roma 1:12) Ang pakikipagtipon sa ating mga kapatid ay tumutulong upang mabata natin ang mahihirap na kalagayan sa mga huling araw na ito. (Heb. 10:24, 25) Kaugalian mo pa rin bang dumalo sa lahat ng pulong?
4. Paano tayo nakikinabang sa pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan bawat linggo?
4 Sinasabi sa atin ng kinasihang ulat na ipinahayag ng mga apostol ang mabuting balita “bawat araw sa templo at sa bahay-bahay.” (Gawa 5:42) Bagaman hindi tayo nakapangangaral bawat araw, maaari ba nating gawing kaugalian ang makibahagi sa anumang anyo ng ministeryo bawat linggo? Sa paggawa nito, tiyak na magiging mas bihasa tayo sa paggamit ng Salita ng Diyos, at malamang na magkaroon tayo ng nakapagpapatibay na mga karanasan sa pagsasabi sa iba ng katotohanan sa Bibliya.
5. Bakit napakahalagang manalangin nang regular kay Jehova?
5 Saganang pinagpala ang propetang si Daniel dahil sa kaniyang buong-buhay na paglilingkod kay Jehova “nang may katatagan.” Kalakip dito ang kaugaliang manalangin nang regular kay Jehova. (Dan. 6:10, 16, 20) Sa katulad na paraan, kapag regular at taos-puso tayong nananalangin kay Jehova, pagpapalain niya tayo ng kaniyang banal na espiritu. (Luc. 11:9-13) Higit pa rito, tutugon si Jehova sa pamamagitan ng paglapit sa atin, anupat pinahihintulutan tayong magkaroon ng matalik na kaugnayan sa kaniya. (Awit 25:14; Sant. 4:8) Napakalaki ngang gantimpala ito! Kung gayon, masikap sana nating panatilihin ang ating mabubuting espirituwal na kaugalian at umani ng saganang pagpapala mula kay Jehova.