“Paano Mo Sasagutin?”
1. Ano ang nagiging problema ng marami sa atin tungkol sa pag-aaral ng Bibliya?
1 Gustung-gusto mo bang mag-aral ng Salita ng Diyos pero nahihirapan kang tandaan ang mga detalye sa ulat nito o kung saan sa Bibliya nakasulat ang isang partikular na salita o parirala? Gusto mo bang maunawaan nang husto ng iyong mga anak ang saligang mga katotohanan at turo ng Bibliya? Ang bahaging “Paano Mo Sasagutin?” na inilalathala bawat buwan sa pahina 31 ng Gumising! ay makatutulong para maging mas pamilyar sa Salita ng Diyos ang mga bata’t matanda.—Gawa 17:11.
2. Paano maaaring gamitin ang iba’t ibang seksiyon ng “Paano Mo Sasagutin?”
2 Paano mo magagamit nang husto ang bahaging ito ng magasin? Ganito ang mungkahi ng Gumising!, isyu ng Enero 2006: “Tingnan sandali ang pahina 31 . . . Ang ilang seksiyon sa pahinang ito ay magugustuhan ng mga kabataang mambabasa; ang ilan naman ay susubok sa memorya ng mga estudyante ng Bibliya na mas marami nang nalalaman. Ang seksiyong ‘Kailan Ito Nangyari?’ ay tutulong sa iyo na bumuo ng talangguhit ng panahon (time line) na magpapakita kung kailan nabuhay ang mga tauhan sa Bibliya at kung kailan naganap ang mahahalagang pangyayari. Ang mga sagot sa seksiyong ‘Mula sa Isyung Ito’ ay masusumpungan sa iba’t ibang artikulo ng magasin ding iyon, samantalang ang mga sagot sa karamihan ng iba pang mga tanong ay lilitaw sa isang espesipikong pahina, at ililimbag ito nang pabaligtad. Bakit hindi muna magsaliksik nang kaunti bago mo basahin ang mga sagot na iyon at pagkatapos ay ipakipag-usap sa iba ang mga natutuhan mo? Magagamit mo pa nga ang bagong bahaging ito na ‘Paano Mo Sasagutin?’ bilang batayan ng talakayan sa Bibliya bilang pamilya o grupo.”
3. Paano nakinabang ang ilang pamilya sa bahaging ito ng magasin, at aling seksiyon ang pinakagusto mo?
3 Oo, maraming pamilya ang nasisiyahang gamitin ang bahaging ito ng magasin sa kanilang pampamilyang pag-aaral. Isang ina ang sumulat: “Naisip naming mag-asawa na magandang isama sa aming pampamilyang pag-aaral ang ‘Mga Bata, Hanapin ang Larawan’ upang gawing masigla at kawili-wili ito para sa aming tatlong-taóng-gulang na anak na babae. Nakatutuwang makitang sabik niyang kinukuha ang kaniyang kopya ng Gumising! at binubuklat ang bawat pahina hanggang sa makita niya ang kaniyang hinahanap.” Ito naman ang sabi ng isang ama sa Brazil: “Gustung-gusto namin ng anak kong pitong taóng gulang ang bahaging ito ng Gumising! Nakatulong ito kay Moises na magtuon ng pansin, maghanap ng teksto, at maunawaan ang mga larawan at petsa.” Sumulat si Ashley, walong taóng gulang: “Salamat po sa ‘Paano Mo Sasagutin?’ sa likod ng Gumising! Dahil dito, marami po akong natutuhan tungkol sa Bibliya.”
4. Paano magagamit ng isang pamilya ang bahaging ito ng magasin bilang karagdagang materyal sa kanilang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya?
4 Bakit hindi mo gamitin paminsan-minsan sa inyong pampamilyang pag-aaral ang “Paano Mo Sasagutin?” Puwede mong gamitin ang Index o Watchtower Library sa CD-ROM para hanapin ang mga sagot sa mahihirap na tanong. Kapag ginawa mo ito, matuturuan mong magsaliksik ang iyong mga anak. Kung may mas malalaki kang anak, bakit hindi mo sila atasang hanapin ang mga sagot sa “Sino Ako?” o “Kailan Ito Nangyari?” bago ang inyong pampamilyang pag-aaral? Sa panahon ng pag-aaral, maaari nilang sabihin ang kanilang nasaliksik. Ang mabisang paggamit sa pahinang ito ay isang paraan upang maikintal ng mga magulang sa kanilang mga anak ang Salita ng Diyos, at matulungan silang malaman “ang banal na mga kasulatan” mula sa pagkasanggol.—2 Tim. 3:15; Deut. 6:7.