Buhay at Ministeryo ni Jesus
Pasimula sa labas na ito, isang bagong pitak na may ganiyang tema sa itaas ang ilalathala sa Ang Bantayan.
NOONG nakalipas na limang taon, sapol noong Marso 1980, minsan sa isang buwan Ang Bantayan ay mayroong dalawang-pahinang, artikulong “Buháy ang Salita ng Diyos.” Sa pamamagitan ng mga larawan na may kasamang mga teksto na madali namang basahin, maraming mga doktrina sa Bibliya at mga makasaysayang mga pangyayari ang tinalakay sa paraan na malinaw at madaling maunawaan. Ngayon isang bagong pitak, na tumatalakay sa buhay at ministeryo ni Jesu-Kristo, ang hahalili sa “Buháy ang Salita ng Diyos.”
Sa susunod na dalawang pahina ay makikita mo ang unang bahagi ng bagong pitak na ito. Sa susunod na mga buwan, ikaw ay makakaasa na makakabasa ng tungkol sa bagong pitak na ito sa bawat labas ng Ang Bantayan. Ang bagong seryeng ito ng mga artikulo ay ilalathala sa dalawang pahina rin na may mga larawan, gaya ng “Buháy ang Salita ng Diyos.”
Angkop naman na si Jesu-Kristo ay ipakilala sa ganitong paraan sa Ang Bantayan, sapagkat si Jesus ay may lalong malaking impluwensiya sa kasaysayan ng sangkatauhan kaysa sino pa mang tao. Subalit, lalong higit na mahalaga, ang buhay ng angaw-angaw na mga tao sa lahat ng lahi at bansa ay nabago sa kapaki-pakinabang na paraan ngayon na sila’y nakaunawa ng kaniyang buhay at mga turo.
Marahil ay alam mo na ang maraming bagay tungkol kay Jesus at sa kaniyang ministeryo. Subalit kabisado mo ba sa iyong isip ang tungkol sa panahon at mga dako ng mga pangyayari sa kaniyang buhay upang maikuwento mo ang mga ito sa kanino man at sa gayo’y lalo mong matandaan ang mga ito? Halimbawa, kailan pinili ni Jesus ang kaniyang 12 apostol—maaga ba sa kaniyang ministeryo o noong magtagal-tagal na? Iyon ba ay bago o pagkatapos ng panahon na siya’y makilala ng babaing Samaritana bilang ang Kristo? At nasaan siya nang kaniyang piliin ang 12, o makahimalang pakainin ang 5,000, o ibigay ang Sermon sa Bundok? Yamang ang bagong pitak na ito ay susunod sa kronolohiya sa paglalahad ng istorya ng buhay at ministeryo ni Jesus at may kasama ring mga larawan at mga paliwanag, ito’y tutulong sa iyo na huwag mong makalimutan sa iyong isip ang mahalagang mga pangyayaring ito.
Ang pitak na ito ay tutulong sa matatagal nang mga mambabasa ng Bibliya pati rin sa mga baguhan, at sa mga magulang pagka sila’y nakipag-aral sa kanilang mga anak. Ito’y may mga tanong din dahil sa layuning iyan. Anong inam na paraan na sila’y turuan tungkol sa nagtatag ng pagka-Kristiyano at sa kaniyang mga turo! Marahil ay mapag-iisipan mo na antimano ang mga paraan na kung saan magagamit mo ang mga artikulong ito sa pagtulong sa iyong pamilya at sa mga iba. Tandaan, halos sinuman ay mahilig sa mga istorya, at marami ang natutuwang sumubaybay sa mga ito kung de-serye na maaari nilang basahin nang sunud-sunod.
Kung gayon, sa mismong unang bahaging ito, himukin mo ang iba na patuloy na sumubaybay sa de-seryeng istoryang ito. Mapapansin mo na ang mga teksto sa Bibliya ay ipinapahayag sa karaniwang pangungusap para madaling maunawaan, at ang pinagkunan nito sa Bibliya ay makikita sa dulo ng bawat istorya. Himukin mo ang marami na basahin ang mga paglalahad na ito buhat sa Bibliya. Oo, puspusang gamitin mo ang bagong pitak na ito sa Ang Bantayan sa iyong paggawa ng mga alagad!