Ginagamit Mo Ba Ito Nang Lubusan?
1 “Sabik na sabik na akong gamitin ito sa larangan!” Iyan ang isinulat ng isang sister matapos niyang basahin Ang Bantayan ng Enero 1, 2008. Napansin mo ba ang regular na mga bahagi ng edisyong pampubliko? Alam mo na ba kung paano mo gagamitin ang mga ito sa ministeryo sa larangan?
2 “Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula kay Jesus”: Marahil natulungan ka ng bahaging ito upang makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Kung hindi mo pa ito nagagawa, subukan mong basahin sa may-bahay ang pamagat ng artikulo. Pagkatapos, ipakita sa kaniya ang sinabi ni Jesus hinggil sa paksa, gaya ng makikita sa unang parapo. Kapag nagpakita ng interes ang may-bahay, sikaping ipagpatuloy ang pag-uusap sa pamamagitan ng paggamit sa mga subtitulo, na nasa anyong mga tanong na pumupukaw ng kaisipan. Anyayahan ang kausap na magkomento sa tanong. Ipaliwanag sa maikli ang anumang nauugnay na larawan, at lumipat sa susunod na parapo. Maaari mong matapos ang unang kalahati ng artikulo sa unang pagdalaw at ang huling kalahati naman sa iyong pagbabalik. Maghanda para maipagpatuloy ang pag-aaral gamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya.
3 “Susi sa Maligayang Pamilya”: Ang seryeng ito, na lumilitaw tuwing ikatlong buwan, ay nilayon upang tulungan ang mga asawang lalaki, asawang babae, at mga magulang na malaman kung paano ikakapit ang mga simulain sa Bibliya kapag may mga problema sila na nagsasapanganib sa kapayapaan ng pamilya. Maaari mo ring gamitin ang mga artikulong ito upang tulungan ang mga di-Saksi na makita ang karunungang nasa Bibliya.—2 Tim. 3:16, 17.
4 Bahagi Para sa mga Kabataan: Ang seryeng “Para sa mga Kabataan” ay naglalaan ng pagkakataon sa mambabasa na suriin at pag-isipan ang isang espesipikong ulat ng Bibliya. Maaari mong gamitin ang mga artikulong ito upang tulungan ang mga kabataang natatagpuan mo sa ministeryo na maunawaan ang kahalagahan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos. (Awit 119:9, 105) Kapag mga magulang naman ang kausap mo, maaari mong itampok ang seryeng “Turuan ang Iyong mga Anak,” na lumilitaw tuwing ikalawang buwan. Ang mga artikulong ito ay makatutulong sa mga bata na matuto ng mahahalagang aral mula sa mga tauhan sa Bibliya. Binabasa mo ba ang mga artikulong ito kasama ang iyong mga anak?
5 Iba Pang mga Bahagi: Bawat buwan, sinasagot ng bahaging “Tanong ng mga Mambabasa” ang isang tanong na malamang na ibangon ng mga di-Saksi. Maaari mong itampok ang artikulong ito kapag iniaalok ang mga magasin sa bahay-bahay. Ang bahaging “Liham Mula . . .” ay makulay na paglalahad ng mga misyonero at ng iba pa tungkol sa mga hamong kinakaharap nila sa kanilang ministeryo. Makatutulong ang mga artikulong ito sa mga interesado na makitang ang mabuting balita ay ipinangangaral sa buong lupa, bilang katuparan ng tanda ng pagkanaririto ni Kristo.—Mat. 24:3, 14.
6 Ang bahaging “Maging Malapít sa Diyos,” na itinatampok buwan-buwan at batay sa pagbabasa ng Bibliya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, ay makapagpapakilos sa mga taong taimtim na matuto nang higit tungkol kay Jehova. Ang seryeng “Tularan ang Kanilang Pananampalataya,” na lumalabas nang apat na beses sa isang taon, ay dinisenyo upang tulungan ang mga tao na mailarawan sa isip ang mga ulat ng Bibliya, anupat nagiging buháy na buháy para sa mga mambabasa sa ngayon ang mga tauhan sa Bibliya—ang kanilang ginawang mga pagpili, ang kanilang mga hamon, ang kanilang pananampalataya.
7 Talagang nalulugod tayong makatanggap bawat buwan ng isang buong isyu ng Ang Bantayan na dinisenyo upang magamit sa larangan! Kung gayon, pag-aralan nating mabuti ang mga nilalaman nito at gamitin ito nang lubusan sa ating ministeryo.