Isang Serye na Makatutulong sa Ating Ministeryo
1. Ano ang dalawang tunguhin ng seryeng “Pakikipag-usap sa Iba”?
1 Sa pana-panahon, ang edisyong pampubliko ng Ang Bantayan ay naglalabas ng seryeng “Pakikipag-usap sa Iba.” Ang seryeng ito ay may dalawang tunguhin—iharap ang mga turo ng Bibliya sa kaakit-akit na paraan at ipakita kung paano maaaring mangatuwiran sa mataktikang paraan sa isang partikular na paksa. (1 Ped. 3:15) Paano natin magagamit nang husto ang mga artikulong ito?
2. Paano natin magagamit ang seryeng ito sa ating ministeryo?
2 Gamitin sa Ministeryo: Puwede kayong magtira ng ilang kopya ng isyu ng Ang Bantayan na may ganitong artikulo. Kapag isang may-bahay, interesado, o estudyante sa Bibliya ang nagtanong o nagbangon ng pagtutol hinggil sa isang paksa na nailabas na sa seryeng ito, bigyan siya ng kopya nito at sabihin na puwede ninyo itong pag-usapan. Kung wala ka nang kopya ng isyung iyon, puwede mo itong i-download mula sa jw.org/tl.
3. Paano natin maaaring talakayin sa may-bahay ang isa sa mga artikulong ito?
3 Paano mo maaaring talakayin sa iba ang isa sa mga artikulong ito? Ipinababasa ng ilan sa kanilang kausap ang mga linya ng may-bahay, habang sila naman ang bumabasa sa mga linya ng Saksi. Epektibo ang ganitong pamamaraan dahil nasusuri ng kausap nila ang ating mga paniniwala nang hindi ito naaasiwa.—Deut. 32:2.
4. Paano natin magagamit ang mga artikulong ito para sanayin ang ating sarili?
4 Sanayin ang Sarili at ang Iba: Habang binabasa mo ang mga artikulong ito, bigyang-pansin ang mga teksto, ilustrasyon, at ginamit na mga argumento. Pansinin ang himig ng mga pananalitang ginamit sa materyal. Saka subukan sa ministeryo ang katulad na pamamaraan. (Kaw. 1:5; 9:9) Sinabi ng isang sister, “Kapag binabasa ko ang mga artikulong ito, parang may ka-partner akong napakahusay na payunir na alam na alam kung ano ang kaniyang sasabihin!”
5. Paano natin matutulungan ang ating mga estudyante sa Bibliya na maghanda sa ministeryo?
5 Magagamit din natin ang mga sampol na iskrip na ito para tulungan ang ating mga estudyante sa Bibliya na maghanda sa ministeryo. Basahin ang artikulo nang magkasama at hayaan ang estudyante na gumanap bilang mamamahayag. Sa ganitong paraan, masasanay ang mga estudyante sa Bibliya na ipaliwanag ang kanilang mga paniniwala sa mataktikang paraan. (Col. 4:6) Oo, ang mga artikulong ito ay isa sa maraming paraan ni Jehova para tulungan tayo na ‘lubusang ganapin’ ang ating ministeryo.—2 Tim. 4:5.