Isang Bagong Serye sa Pagpapasimula ng mga Pag-aaral sa Bibliya
1. Ano ang bagong serye sa edisyong pampubliko ng Bantayan, at ano ang layunin nito?
1 Simula sa susunod na buwan, magkakaroon ng isang bagong serye sa edisyong pampubliko ng Bantayan para tulungan tayong makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Ito ay may pamagat na “Matuto Mula sa Salita ng Diyos.” Ang ilan sa teritoryo ay tiyak na masisiyahan sa pagbabasa ng bawat artikulo sa seryeng ito, pero nilayon ito para talakayin.
2. Ano ang format ng mga artikulo?
2 Format: Ang titulo at mga subtitulo ay mga tanong sa pakikipagtalakayan sa may-bahay. Ang mga susing teksto ay hindi sinipi para mabasa ito ng may-bahay sa mismong pahina ng Salita ng Diyos. Maiikli lang ang mga parapo para matalakay ito kahit sa pintuan lang. Binabanggit ng bawat artikulo ang aklat na Itinuturo ng Bibliya para madali mong mailipat ang pag-aaral sa aklat na iyon kapag angkop na.
3. Kapag nagbabahay-bahay, paano natin magagamit ang mga seryeng ito para pasimulan ang pag-aaral sa Bibliya sa mismong pintuan?
3 Kung Paano Ito Gagamitin: Kapag iniaalok ang mga magasin, maaaring magbangon ng mga tanong na pupukaw ng interes sa pangkalahatang paksa ng artikulo. Halimbawa, sa isyu ng Enero 1 tungkol sa kahalagahan ng Bibliya, maaaring itanong: “Naniniwala ka ba na ang Bibliya ay Salita ng Diyos o isa lamang magandang aklat? [Hayaang sumagot.] Tinatalakay ito sa magasing dala ko.” Basahin ang unang tanong, ang unang parapo, at ang binanggit na teksto. Basahin uli ang tanong, at hilingin ang komento ng may-bahay. Talakayin ang iba pang tanong hangga’t ipinahihintulot ng panahon. Bago umalis, itawag-pansin ang kasunod pang mga tanong at iiskedyul ang pagbalik mo para talakayin ito. Bumalik linggu-linggo para maipagpatuloy ang pagtalakay sa artikulo hanggang sa madala mo ang susunod na isyu. Ang isa pang paraan ay ang tuwirang pag-aalok ng pag-aaral sa Bibliya sa may-bahay. Saka gamitin ang artikulo ng magasin para itanghal ang isang pag-aaral.
4. Paano natin magagamit ang seryeng ito sa mga pagdalaw -muli?
4 Mabisa mo ring magagamit ang bagong seryeng ito sa iyong ruta ng magasin at iba pang pagdalaw-muli. Maaari mong sabihin: “May bagong seksiyon dito sa Bantayan. Gusto kong ipakita sa iyo kung paano ito gagamitin.” Dalangin namin na matulungan ng bagong seryeng ito ang mas marami pang tao na “sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Tim. 2:4.