Kung Paano Gagawing Pag-aaral sa Bibliya ang mga Nabigyan ng Magasin
1. Ano ang ating tunguhin sa Abril at Mayo?
1 Sa Abril at Mayo, itatampok natin Ang Bantayan at ang Gumising! sa layuning makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa aklat na Itinuturo ng Bibliya sa ating pagdalaw-muli. Nasa ibaba ang ilang mungkahing makatutulong. Tandaan na dapat itong ibagay sa inyong teritoryo at sabihin sa iyong sariling salita. Huwag mag-atubiling gumamit ng ibang paraan na mabisa para sa iyo.
2. Paano natin magagamit ang unang mga pahina ng aklat na Itinuturo ng Bibliya para makapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya?
2 Gamitin ang Unang mga Pahina: Ganito ang isa sa maaari mong sabihin sa iyong pagdalaw-muli: “Ang mga magasing ibinigay ko sa inyo ay nagtutuon ng pansin sa Bibliya. Tingnan po ninyo kung bakit napakahalaga ng pagbabasa ng Bibliya.” Basahin ang Isaias 48:17, 18; Juan 17:3; o iba pang angkop na teksto. Pagkatapos ipakita ang aklat na Itinuturo ng Bibliya at bigyan ng kopya ang may-bahay, maaari mong idugtong:
◼ “Binibigyan tayo ng Bibliya ng tunay na pag-asa sa hinaharap.” Ipakita sa may-bahay ang pahina 4-5 at itanong, “Alin sa mga pangakong ito ang gusto po ninyong makitang matupad?” Buksan sa may-bahay ang kabanata na tumatalakay sa pangako sa Kasulatan na pinili niya, at talakayin sa maikli ang isa o dalawang parapo kung gusto ng may-bahay.
◼ O puwede mo ring sabihin, “Sinasagot ng Bibliya ang pinakamahahalagang tanong sa buhay.” Ipakita ang pahina 6, at itanong sa kaniya kung sumagi na sa isip niya ang mga tanong sa ibaba ng pahina. Buksan ang kabanata na sumasagot sa tanong, at talakayin sa maikli ang isa o dalawang parapo.
◼ O puwede mo ring ipakita ang mga pamagat sa talaan ng nilalaman at itanong kung anong paksa ang gusto niya. Buksan ang kabanatang iyon, at ipakita sa maikli kung paano ang pag-aaral sa Bibliya.
3. Paano tayo maaaring magpasimula ng pag-aaral sa Bibliya pagkatapos maipasakamay ang mga magasin tungkol sa (a) lumalalang kalagayan sa daigdig? (b) pamilya? (c) pagiging maaasahan ng Bibliya?
3 Mag-iwan ng Tanong sa Unang Pagdalaw: Ang isa pang maaari mong gawin ay panabikin ang may-bahay sa iyong pagdalaw-muli. Pagkatanggap ng may-bahay sa mga magasin, magbangon ng tanong at ipangakong sasagutin mo iyon sa susunod mong pagdalaw. Sabihin kung kailan ka tiyak na babalik, at tumupad ka sa usapan. (Mat. 5:37) Pagbalik mo, ipaalaala sa may-bahay ang tanong, saka basahin at talakayin sa maikli ang isa o dalawang parapo sa aklat na Itinuturo ng Bibliya na mismong sasagot sa tanong. Abutan siya ng isang kopya para makasunod siya sa talakayan. Narito ang ilang halimbawa.
◼ Kung ang magasing naipasakamay mo ay tungkol sa lumalalang kalagayan sa daigdig, puwede mong sabihin, “Puwede nating talakayin sa susunod ang sagot ng Bibliya sa tanong na ito, Anu-anong pagbabago sa lupa ang gagawin ng Diyos?” Gamitin ang pahina 4-5 pagbalik mo. O puwede mong itanong, “Kalooban ba ng Diyos ang mga trahedya?” Sa pagdalaw-muli, ipakita sa may-bahay ang parapo 7-8 ng kabanata 1.
◼ Kung ang magasing naipasakamay mo ay tungkol sa pamilya, puwede mo itong itanong bago ka umalis, “Ano kaya ang magagawa ng bawat miyembro ng pamilya para mas lumigaya sila?” Sa iyong pagdalaw-muli, talakayin ang parapo 4 sa kabanata 14.
◼ Kung ang magasing naipasakamay mo ay tungkol sa pagiging maaasahan ng Bibliya, puwede mo itong itanong para sa susunod ninyong pag-uusap, “Tumpak ba ang Bibliya ayon sa siyensiya?” Sa pagdalaw-muli, talakayin ang parapo 8 sa kabanata 2.
4. Ano ang gagawin natin kapag hindi tinanggap ng may-bahay ang aklat na Itinuturo ng Bibliya?
4 Bago tapusin ang talakayan, magbangon ng isa pang tanong na sasagutin sa iyong pagbabalik. Kapag nakapagtatag na ng regular na pag-aaral, talakayin ang aklat mula umpisa hanggang katapusan. Paano naman kung hindi tanggapin ng may-bahay ang aklat na Itinuturo ng Bibliya? Patuloy mo pa rin siyang dalhan ng mga magasin at kausapin tungkol sa mga paksa sa Kasulatan. Habang nililinang mo ang kaniyang interes, baka sakaling tanggapin din niya ang pag-aaral sa Bibliya balang-araw.
5. Bakit tayo dapat magsikap na hindi lamang basta mag-iwan ng mga magasin sa mga tao?
5 Nagtagubilin sa atin si Jesus na ‘gumawa tayo ng mga alagad at turuan sila.’ (Mat. 28: 19, 20) Kaya ang ating pangunahing tunguhin sa pag-iiwan ng magasin ay ituro ang katotohanan sa tapat-pusong mga tao. Sa Abril at Mayo, gumawa ng ekstrang pagsisikap para makapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya pagkatapos magpasakamay ng Ang Bantayan at Gumising!