“Salitain ang Salita ng Diyos Nang Walang Takot”
1 Nag-aatubili ka ba kung minsan na ipakipag-usap ang iyong pananampalataya kapag may pagkakataon kang gawin ito sa paaralan o sa trabaho? Nahihirapan ka bang magpatotoo sa di-pormal na paraan sa mga kamag-anak at mga kapitbahay o marahil sa mga taong hindi mo kilala? Ano ang makatutulong sa ating lahat na samantalahin ang angkop na mga pagkakataon upang “salitain ang salita ng Diyos nang walang takot”?—Fil. 1:14.
2 Huwag Mag-atubili: Mag-aatubili ka bang ipagtanggol ang isang matalik na kaibigan o isang kamag-anak na napagbintangan lamang? Si Jehova, ang ating pinakamatalik na Kaibigan, ay libu-libong taon nang sinisiraang-puri. May natatanging pribilehiyo tayo na magpatotoo alang-alang sa ating dakilang Diyos! (Isa. 43:10-12) Dahil sa matinding pag-ibig kay Jehova, napagtatagumpayan natin ang labis na pagkailang o pagkatakot sa sasabihin at magiging reaksiyon ng iba, at hindi tayo nag-aatubili na buong-tapang na magpatotoo sa katotohanan.—Gawa 4:26, 29, 31.
3 Tandaan na ang ating mensahe ay mabuting balita. Magdudulot ito ng panghabang-buhay na pakinabang para sa mga nakikinig dito. Ang pagtutuon ng pansin sa kahalagahan ng pangangaral ng mabuting balita sa halip na sa ating sarili o sa mga sumasalansang sa atin ay tutulong upang makapangaral tayo nang buong tapang.
4 Halimbawa ng Iba: Mapatitibay tayo ng tapat na halimbawa ng iba na naghayag ng salita ng Diyos nang walang takot. Halimbawa, buong-tapang na inihayag ni Enoc ang paghatol ni Jehova sa mga di-makadiyos na makasalanan. (Jud. 14, 15) Buong-katapatang nangaral si Noe sa mga taong hindi nagbibigay-pansin. (Mat. 24:37-39) Ang mga Kristiyano noong unang siglo na “walang pinag-aralan at pangkaraniwan” ay patuloy na nangaral sa kabila ng matinding pagsalansang. (Gawa 4:13, 18-20) Madalas na mababasa sa Ang Bantayan at Gumising! ang makabagong-panahong mga talambuhay ng mga indibiduwal na napagtagumpayan ang pagkatakot sa tao at naging masigasig na mga mangangaral ng mabuting balita dahil sa pananampalataya kay Jehova.
5 Lalakas ang ating loob kung isasaalang-alang natin ang naging buhay ng mga tapat na lingkod ng Diyos noon na napaharap sa mahihirap na kalagayan. (1 Hari 19:2, 3; Mar. 14:66-71) “Nag-ipon [sila] ng katapangan sa pamamagitan ng ating Diyos” at nagsalita nang walang takot. Magagawa rin natin ito!—1 Tes. 2:2.