Maaaring Makibahagi ang Lahat sa Paggawa ng Bagong mga Alagad
1 Ang isa ay nagiging alagad hindi dahil sa pagsisikap ng isang tao lamang. Maaaring gamitin ni Jehova ang lahat ng kaniyang “kamanggagawa” upang tulungan ang mga estudyante sa Bibliya na sumulong sa espirituwal. (1 Cor. 3:6-9) Natutulungan ng bawat isa sa atin ang mga baguhan hindi lamang sa pamamagitan ng ating taos-pusong pagkokomento sa Kristiyanong mga pagpupulong kundi gayundin sa ating mahusay na paggawi, na nagbibigay ng kapansin-pansing patotoo na naiimpluwensiyahan ng espiritu ng Diyos ang ating buhay. (Juan 13:35; Gal. 5:22, 23; Efe. 4:22, 23) Ano pa ang maitutulong natin sa mga baguhan?
2 Bilang Kongregasyon: Maipakikita nating lahat ang ating interes sa mga nagsisimulang dumalo sa mga pagpupulong kung tayo ang unang lalapit sa kanila para masiglang salubungin at kausapin sila bago at pagkatapos ng pagpupulong. Naaalaala pa ng isang lalaki nang una siyang makisama sa kongregasyon: “Sa isang araw lang, mas marami akong nakilalang mga taong talagang maibigin, na hindi ko mga kakilala noon, kaysa sa nakilala ko sa kinamulatan kong relihiyon. Maliwanag na nasumpungan ko na ang katotohanan.” Nabautismuhan siya makalipas ang pitong buwan mula nang una siyang dumalo sa pagpupulong.
3 Taimtim na papurihan ang estudyante sa Bibliya sa kaniyang nagagawang pagsulong sa espirituwal. Siya ba ay nagbabata ng pagsalansang? Regular ba siyang dumadalo sa mga pagpupulong? Nagsisikap ba siya na magkaroon ng lakas ng loob na magkomento? Nagpatala na ba siya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo o nakikibahagi na sa ministeryo? Papurihan siya sa nagagawa niyang pagsulong. Ito ay magpapasigla at magpapatibay sa kaniya.—Kaw. 25:11.
4 Bilang Tagapagturo sa Pag-aaral ng Bibliya: Naipakikilala ng ilang mamamahayag sa kanilang mga estudyante sa Bibliya ang indibiduwal na mga miyembro ng kongregasyon kapag isinasama nila sa kanilang pagdaraos ng pag-aaral ang ibang mga mamamahayag. Anyayahan kaagad ang estudyante sa mga pulong ng kongregasyon. Kapag dumadalo na siya sa mga pulong, tiyaking ipakilala siya sa iba. Pinaglalabanan ba niya ang isang masamang bisyo, tulad ng paninigarilyo? Mayroon ba siyang kapamilya na tutol sa kaniyang pag-aaral? Makatutulong sa kaniya ang pakikipag-usap sa isang mamamahayag na nakaranas ng gayunding pagsubok ngunit napagtagumpayan ito.—1 Ped. 5:9.
5 Kailangan ng mga baguhan ang tulong ng kongregasyon upang maging malakas sila sa espirituwal. Matutulungan natin silang sumulong kung tayong lahat mismo ay magpapakita ng taimtim na interes sa kanila.