Nagagalak Tayong Magpagal sa Paglilingkod kay Jehova!
1 Nagagalak si apostol Pablo na ‘lubusang magpagugol,’ o magpagal, upang maisakatuparan ang kaniyang ministeryong Kristiyano. (2 Cor. 12:15) Gayundin sa ngayon, maraming Kristiyano ang masikap na naglilingkod bilang mga payunir. Ang iba naman na may mabibigat na pananagutan sa pamilya ay naglalaan ng panahon upang makibahagi sa ministeryo linggu-linggo sa kabila ng kanilang abalang iskedyul. Ginagamit naman ng ilan na may malulubhang karamdaman ang kanilang limitadong lakas para itaguyod ang mga kapakanan ng Kaharian. Nakapagpapatibay ngang makita ang mga kabilang sa bayan ni Jehova, anuman ang kanilang edad o kalagayan, na nagpapagal sa paglilingkod kay Jehova!
2 Pag-ibig sa Kapuwa: Malinis ang ating budhi kapag ginagawa natin ang ating buong makakaya sa paglilingkod kay Jehova, anupat ipinakikita na iniibig natin ang Diyos at ang ating kapuwa. Dahil nagpagal si Pablo sa pangangaral ng mabuting balita, maligaya niyang masasabi: “Tinatawagan ko kayong magpatotoo sa mismong araw na ito na ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao.” (Gawa 20:24, 26; 1 Tes. 2:8) Maiiwasan nating magkasala sa dugo kung lubusan tayong makikibahagi sa ministeryo hangga’t ipinahihintulot ng ating kalagayan.—Ezek. 3:18-21.
3 Kung magpapagal tayo upang tulungan ang iba, magiging maligaya tayo. (Gawa 20:35) Ganito ang sinabi ng isang kapatid: “Sa gabi, pag-uwi ko ng bahay pagkatapos ng isang araw ng paglilingkod kay Jehova, aaminin kong pagód ako. Pero masaya ako, at pinasasalamatan ko si Jehova na binigyan niya ako ng kagalakan na hindi maaagaw ng sinuman.”
4 Pag-ibig sa Diyos: Ang pinakamahalagang dahilan kung bakit tayo nagpapagal sa paglilingkod kay Jehova ay sapagkat kalugud-lugod ito sa ating Ama sa langit. Dahil iniibig natin ang Diyos, nauudyukan tayong sundin ang mga utos niya, kabilang na rito ang pangangaral at paggawa ng mga alagad. (1 Juan 5:3) Kahit walang interes ang mga tao o salansang sila sa atin, may kagalakan pa rin tayong nagpapagal nang patuluyan para kay Jehova.
5 Dahil sa panahong kinabubuhayan natin, hindi angkop na magmabagal tayo sa gawain. Nabubuhay tayo sa panahon ng pag-aani. (Mat. 9:37) Karaniwan nang nagtatrabaho nang maraming oras ang isang magsasaka sa panahon ng pag-aani sapagkat limitado lamang ang panahon niya para tipunin ang ani bago ito masira. Limitado rin ang panahong ipinahintulot para sa espirituwal na pag-aani. Habang isinasaisip ang panahong kinabubuhayan natin, patuloy nawa tayong magpagal, o magpunyagi nang buong lakas, sa ministeryo.—Luc. 13:24; 1 Cor. 7:29-31.