“Maligaya ang Tao na Patuloy na Nagbabata ng Pagsubok”
1 Lahat ng Kristiyano ay mapapaharap sa mga pagsubok. (2 Tim. 3:12) Maaari tayong mapaharap sa mga pagsubok gaya ng mahinang kalusugan, kahirapan sa buhay, tukso, pag-uusig, at marami pang iba. Ang mga pagsubok na pinasasapit sa atin ni Satanas ay dinisenyo upang pahinain tayo o mapabayaan natin ang ating ministeryong Kristiyano, o pahintuin pa nga tayo sa paglilingkod sa Diyos. (Job 1:9-11) Paano magdudulot ng kaligayahan ang pagbabata ng mga pagsubok?—2 Ped. 2:9.
2 Maghanda Para sa mga Pagsubok: Ibinigay sa atin ni Jehova ang kaniyang Salita ng katotohanan, pati na ang ulat ng buhay at mga turo ni Jesus. Kung pakikinggan at gagawin natin ang mga sinabi ni Jesus, magkakaroon tayo ng matibay na pundasyon at sa gayo’y magiging handa para sa mga pagsubok. (Luc. 6:47-49) Makakakuha rin tayo ng lakas mula sa iba pang mga pinagmumulan ng tulong—sa ating mga kapatid na Kristiyano, sa mga pulong sa kongregasyon, at sa mga publikasyong salig sa Bibliya mula sa uring tapat at maingat na alipin. Lagi rin nating gamitin ang regalo ng Diyos na panalangin.—Mat. 6:13.
3 Binigyan din tayo ni Jehova ng pag-asa. Kung pinatitibay natin ang ating pananampalataya sa mga pangako ni Jehova, ang ating pag-asa ay nagiging “angkla para sa kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag.” (Heb. 6:19) Noong panahon ng Bibliya, hinding-hindi umaalis ng daungan ang mga barko nang walang angkla, kahit na mabuti ang lagay ng panahon. Kung biglang bumagyo, hindi papadparin sa mabatong baybayin ang barko kung ihuhulog ang angkla. Sa katulad na paraan, kung patitibayin natin ang ating pananampalataya sa mga pangako ng Diyos ngayon, patatatagin tayo nito sa harap ng maunos na mga problema. Maaaring bigla na lamang bumangon ang mga problema. Bagaman sa simula ay tinanggap ang pangangaral nina Pablo at Bernabe sa Listra, biglang nagbago ang kalagayan nang dumating ang mga mananalansang na Judio.—Gawa 14:8-19.
4 Nagbubunga ng Kaligayahan ang Pagbabata: Ang pananatiling matatag sa ministeryo sa kabila ng pagsalansang ay nagdudulot sa atin ng kapayapaan ng isip. Nagagalak tayo kapag ibinibilang tayo na karapat-dapat na walaing-dangal alang-alang kay Kristo. (Gawa 5:40, 41) Ang pagbabata ng mga pagsubok ay tumutulong sa atin na lubusang malinang ang mga katangiang gaya ng kapakumbabaan, pagiging masunurin, at pagbabata. (Deut. 8:16; Heb. 5:8; Sant. 1:2, 3) Tinuturuan tayo nito na manalig kay Jehova, magtiwala sa kaniyang mga pangako, at manganlong sa kaniya.—Kaw. 18:10.
5 Alam nating pansamantala lamang ang mga pagsubok. (2 Cor. 4:17, 18) Ang mga pagsubok ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong ipakita ang tindi ng ating pag-ibig kay Jehova. Kung magbabata tayo sa harap ng mga pagsubok, makapagbibigay tayo ng sagot sa mga paratang ni Satanas. Kaya hindi tayo sumusuko! “Maligaya ang tao na patuloy na nagbabata ng pagsubok, sapagkat kapag sinang-ayunan siya ay tatanggapin niya ang korona ng buhay.”—Sant. 1:12.