Huwag Mag-atubili!
1. Sa anong paraan hindi natin ‘ipinagkakait ang mabuti’ sa mga tao sa ating teritoryo?
1 Kung aktibo tayong nakikibahagi sa paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos, hindi natin ‘ipinagkakait ang mabuti’ sa mga tao sa ating teritoryo. (Kaw. 3:27) Ang pinakamabuting mensahe na maibabahagi natin sa mga tao ay tungkol sa darating na mas mabubuting kalagayan sa ilalim ng pamamahala ng Diyos. Bagaman maaaring masigasig ka sa pagsasabi sa iba ng pag-asa tungkol sa Kaharian sa pamamagitan ng di-pormal na pagpapatotoo o pagpapasakamay ng literatura, bakit hindi mo gawing tunguhin na magdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya?
2. Ano ang maaaring humadlang sa atin upang magpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya?
2 Kung minsan, ang atin mismong saloobin ang pinakamalaking hadlang sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Ang ilan ay nag-aatubiling magdaos ng pag-aaral sa Bibliya dahil nadarama nilang hindi nila kaya o abala sila. Maaaring makatulong sa iyo ang sumusunod na mga mungkahi upang huwag kang mag-atubili sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya.—Mat. 28:19; Gawa 20:20.
3. Bakit tayo kuwalipikadong magturo ng Bibliya?
3 Kawalan ng Kumpiyansa sa Sarili: Marahil hindi ka gaanong nakapag-aral o sa ilang kadahilanan ay baka wala kang kumpiyansa sa kakayahan mong magdaos ng pag-aaral sa Bibliya. Ang mabibisang ministrong Kristiyano noong unang siglo ay mga “walang pinag-aralan at pangkaraniwan.” Ano ang nakatulong sa kanila na ituro ang katotohanan sa iba? “Dati silang kasama ni Jesus.” (Gawa 4:13) Natuto sila mula sa Dakilang Guro, si Jesus, na ang mga turo at pamamaraan ay naingatan sa Kasulatan para sa atin. Kahit na hindi ka gaanong nakapag-aral, tumatanggap ka ng edukasyon tungkol sa Diyos at sa kaniyang layunin na nakahihigit sa anumang edukasyon.—Isa. 50:4; 2 Cor. 3:5.
4. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Amos?
4 Kung minsan, ginagamit ni Jehova ang mga propeta upang sawayin ang nagkakasalang mga tagapamahala o iba pang may mataas na posisyon. Ang ilan, gaya ni Amos, ay may hamak na pinagmulan. Sinabi ni Amos: “Ako noon ay hindi propeta, ni ako man ay anak ng propeta; kundi ako noon ay tagapag-alaga ng kawan at tagaputi ng mga igos ng mga puno ng sikomoro.” (Amos 7:14) Gayunpaman, hindi nag-atubili si Amos sa paghahatid ng mensahe ng kahatulan ni Jehova sa saserdoteng si Amazias na sumasamba sa guya. (Amos 7:16, 17) Dapat lagi nating tandaan na ginagawa natin ang gawain ng Diyos at tutulungan niya tayong maging kuwalipikado upang maisakatuparan ang ipinagagawa niya sa atin.—2 Tim. 3:17.
5. Bakit dapat tayong magsikap na magpasimula ng pag-aaral sa Bibliya kahit na abala tayo?
5 Pagiging Abala: Kahit na abala ka, malamang na nagtakda ka na ng panahon para regular na makibahagi sa ministeryo. Ang pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya ay maaaring maging isa sa pinakakasiya-siyang aspekto ng ministeryo. Isang pribilehiyo na makita kung paano binabago ng Salita ni Jehova ang buhay ng isang tao. (Heb. 4:12) Nalulugod si Jehova kapag nagsasakripisyo tayo upang tulungan ang isa na “sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Nagagalak maging ang mga anghel kapag nagsisisi ang isa mula sa kaniyang dating landasin at sumusulong tungo sa pagkamaygulang bilang lingkod ng Diyos.—Luc. 15:10.
6. Ano ang ating pribilehiyo sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos?
6 ‘Kalooban ng Diyos na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.’ (1 Tim. 2:4) Isa ngang natatanging pribilehiyo na gumawang kaayon ng kalooban ng Diyos, anupat hindi nag-aatubili sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya!