Sabihin sa Iba ang Ating Pag-asa Tungkol sa Kaharian
1 Sa mapanganib na mga huling araw na ito, maraming tao sa daigdig ang walang pag-asa. (Efe. 2:12) Hindi naging matalino ang iba dahil nagtiwala sila sa materyal na mga kayamanan, mga tagapamahalang tao, makabagong siyensiya, at iba pa. Napakaligaya nga natin sa pagkakaroon ng tunay na pag-asa sa hinaharap, isang pag-asa na “angkla para sa kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag”!—Heb. 6:19.
2 Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ang lupa ay magiging paraiso. Bubuhaying muli ang mga namatay na mahal sa buhay. (Gawa 24:15) Mawawala na ang kahirapan, kawalang-katarungan, sakit, pagtanda, at kamatayan. (Awit 9:18; Mat. 12:20, 21; Apoc. 21:3, 4) Ilan lamang ito sa mga pangako ni Jehova na malapit nang matupad. Alin dito ang lalo nang inaasam-asam mo?
3 Ihayag ang Mabuting Balita: Hindi natin dapat sarilinin ang pag-asa tungkol sa Kaharian. Inuudyukan tayo ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa na tularan si Jesus at ‘ihayag ang mabuting balita sa mga dukha, ipangaral ang pagpapalaya sa mga bihag at ang pagpapanumbalik ng paningin sa mga bulag, at payaunin ang mga nasisiil nang may paglaya.’ (Luc. 4:18) Ipinangaral ni apostol Pablo ang mabuting balita sa pamilihan at kung saan may tao. Siya ay naging lubhang abala sa pangangaral at pagtuturo. (Gawa 18:5) Kung tutularan natin ang kaniyang sigasig sa ministeryo, maiiwasan natin “ang mga kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan” na magpalabo sa ating pag-asang Kristiyano.—Mar. 4:19.
4 Hindi nawawala ang ating pag-asa tungkol sa Kaharian kahit na nakakausap natin ang mga taong mapagwalang-bahala, walang interes sa mensahe ng Kaharian, o hayagang sumasalansang sa atin. ‘Nanghahawakan tayong mahigpit sa pangmadlang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-uurong-sulong.’ (Heb. 10:23) Hindi natin “ikinahihiya ang mabuting balita.” (Roma 1:16) Dahil nakikita nila ang ating pananalig at pagmamatiyaga, baka sa dakong huli ay makinig din ang ilan.
5 Bagaman angkop na itawag-pansin ang sumasamáng mga kalagayan sa daigdig bilang katuparan ng hula sa Bibliya, hindi tayo mga tagapangaral ng kapahamakan. Sa halip, ang ating ministeryo ay nakatuon sa ating pag-asa tungkol sa Kaharian—ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ipangaral nawa natin ang mabuting balita nang may pananalig at sigasig “upang magkaroon ng lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang sa wakas.”—Heb. 6:11.