Tanong
◼ Angkop ba para sa isang Saksi ni Jehova na tumanggap ng panggagamot o pangangalaga sa isang ospital o nursing home na pinatatakbo ng isang relihiyosong organisasyon?
May iba’t ibang relihiyosong organisasyon na nagpapatakbo ng mga ospital o nursing home na naglalaan ng panggagamot o pangangalaga sa mga taong may nagtatagal na sakit. Karaniwan namang hindi itinatayo ang gayong mga pasilidad para itaguyod ang Babilonyang Dakila. (Apoc. 18:2, 4) Maaaring itinayo ang mga ito para pagmulan ng kita ng isang relihiyosong organisasyon. Sa ngayon, ang ilang ospital ay may relihiyosong pangalan lamang, samantalang ang iba naman ay may mga miyembro ng klero na nagtatrabaho dito.
Kung ang isang Saksi ni Jehova ay kailangang maospital o maalagaan sa isang nursing home, dapat siyang magpasiya kung pupunta siya sa isang pasilidad na maaaring nauugnay sa isang relihiyosong organisasyon. Ang budhi ng isa ay maaaring magpahintulot sa kaniya na gawin ang gayon, ngunit baka tutulan naman ito ng budhi ng iba. (1 Tim. 1:5) May ilang kalagayan na maaaring makaapekto sa pasiya ng isa, kaya makabubuting isaalang-alang niya ang mga bagay na ito.
Halimbawa, baka ang ospital o nursing home na may relihiyosong pangalan ang tanging ospital sa isang lugar. O kung mayroon mang ibang kalapit na ospital, baka naman ang ospital na maaaring nauugnay sa isang relihiyon ay kilala sa mas mahusay na serbisyo nito. Baka ang ospital na may relihiyosong pangalan ang tanging pasilidad na makapaglalaan ng partikular na panggagamot na kailangan ng isa, o baka ito lamang ang ospital kung saan maaaring manggamot ang iyong doktor o siruhano. Maaari ding ang mga ospital na nauugnay sa relihiyon ay gumagalang sa iyong paniniwala bilang Kristiyano hinggil sa dugo, samantalang ang ibang pribado o pampublikong mga ospital ay hindi. Ilan lamang ito sa mga salik na maaaring kailangan mong isaalang-alang kapag nagpapasiya kung saang ospital o pasilidad ka pupunta.
Kung mapagpasiyahan mong pumunta sa isang ospital o nursing home na may relihiyosong mga kaugnayan, maaaring ituring mo lamang ito bilang pagbabayad sa mga serbisyong ibinibigay sa iyo, o kaya nama’y para bang nagpapatakbo lamang ng isang negosyo ang relihiyosong organisasyon. Sa pagbabayad mo sa mga serbisyo nito, hindi ka naman tuwirang nag-aabuloy upang suportahan ang huwad na relihiyon. Binabayaran mo lamang ang isang produkto o serbisyo nito.
Siyempre pa, bilang isang Kristiyano, dapat mong tiyakin na hindi ka nakikibahagi sa anumang gawain ng huwad na pagsamba. Gayundin, hindi mo tatawagin sa kanilang relihiyosong mga titulo, gaya ng “Father” o “Sister,” ang mga indibiduwal na maaaring nagtatrabaho o bumibisita sa pasilidad. (Mat. 23:9) Dapat mong tiyakin na ito ay kaayusan lamang sa negosyo, at na ikaw ay tumatanggap lamang ng panggagamot at serbisyo, at wala nang iba pa.
Kapag naospital ka, maaari mong ipaalam na isa ka sa mga Saksi ni Jehova at nais mong dalawin ka ng mga elder sa inyong lugar. Titiyakin nitong tatanggap ka ng kinakailangang espirituwal na tulong habang nasa ospital ka.—1 Tes. 5:14.
Dapat tiyakin ng sumasampalatayang mga miyembro ng pamilya, lokal na mga elder, at iba pang miyembro ng kongregasyon na matugunan ang espirituwal na mga pangangailangan ng sinumang may-edad nating kapatid na naninirahan sa mga nursing home, lalo na kung pinatatakbo ito ng isang relihiyosong organisasyon. Kung gagawin nila ito nang may pagsisikap, malaking pampatibay-loob ito sa mga may-edad na. Sa paggawa nito, maiiwasan ding mapasama ang mga may-edad na sa relihiyosong mga serbisyo, pagdiriwang, o iba pang katulad na mga gawaing idinaraos sa gayong mga pasilidad.
Habang isinasaisip ng isa ang mga puntong ito, kailangan niyang isaalang-alang ang lahat ng kalagayang sangkot. Saka siya magpasiya kung anong ospital o nursing home ang pipiliin niya.—Gal. 6:5.