Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 6/14 p. 2-4
  • Alalahanin ang mga Nasa Nursing Home

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Alalahanin ang mga Nasa Nursing Home
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2014
  • Kaparehong Materyal
  • Nakabukod Pero Hindi Nalilimutan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Tanong
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2008
  • Pangangalaga sa mga May Edad—Isang Lumalagong Problema
    Gumising!—1991
  • Tanong
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1987
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—2014
km 6/14 p. 2-4

Alalahanin ang mga Nasa Nursing Home

1. Bakit kailangang mapaabutan ng mabuting balita ang mga nasa nursing home?

1 Marami ang nakararanas ng nakapanghihinang epekto ng pagtanda. (Ecles. 12:​1-7) Ang ilan sa kanila ay nakatira sa mga nursing home, kaya hindi natin sila natatagpuan sa pagbabahay-bahay. Kahit mahina na o limitado na ang memorya, ang mga may-edad at iba pang nasa nursing home ay puwede pa ring matuto tungkol kay Jehova, makilala siya, at maging malapít sa kaniya. Paano natin sila mapaaabutan ng mabuting balita tungkol sa “maligayang pag-asa”?​—Tito 2:13.

2. Saan puwedeng makakuha ng listahan ng mga nursing home?

2 Unang Hakbang: Makakakuha ng listahan ng mga nursing home sa Internet o sa direktoryo ng telepono. Tingnan ang seksiyon kung saan maaaring nakalista ang mga ito. Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ang maaaring manguna sa paggawa ng kaayusan para mapuntahan ng kuwalipikadong mga mamamahayag ang bawat pasilidad. Sa pamamagitan ng mahusay na pagpaplano at pagtitiwala kay Jehova, posibleng makapagpasimula ng panggrupong pag-aaral sa Bibliya.​—Kaw. 21:5; 1 Juan 5:​14, 15.

3, 4. (a) Sino ang dapat nating kausapin para mag-alok ng panggrupong pag-aaral? (b) Paano natin maaaring ipaliwanag ang kaayusan sa pag-aaral?

3 Depende sa pasilidad kung paano iaalok ang pag-aaral. Sa malalaking nursing home na maraming residente at staff, makabubuting hilingin sa receptionist na makausap ang nangangasiwa sa aktibidad ng pasilidad. Sa maliliit na nursing home​—mga bahay na may ilang residente lang at dalawa o tatlong caregiver​—makabubuting mag-iskedyul ng panahon para makausap mismo ang may-ari ng pasilidad.

4 Sa alinmang kalagayan, sabihin na nagboboluntaryo ka para tulungan ang mga mahilig magbasa at makipag-usap tungkol sa Bibliya. Magtanong kung may mga residente na gustong sumama sa panggrupong talakayan sa Bibliya sa loob ng mga 30 minuto bawat linggo. Iba’t ibang publikasyon ang puwedeng gamitin, pero karaniwan nang nagugustuhan ng marami ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Maaari mong ipakita sa nangangasiwa ang mga publikasyong ito. Makipag-usap sa kaniya tungkol sa araw, oras, at lokasyon ng pag-aaral at karaniwan na, ilalagay ito sa iskedyul ng mga aktibidad sa nursing home. Huwag mahiyang sabihin na Saksi ni Jehova ka. Ipaliwanag din sa nangangasiwa na ang layunin mo ay hindi magsagawa ng relihiyosong serbisyo, kundi tulungan ang mga indibiduwal na pag-aralan ang Bibliya.

5. Ano-ano ang puwedeng gawin para maging masaya at kapaki-pakinabang ang pag-aaral?

5 Kung Paano Gagawin ang Pag-aaral: Depende sa magiging sitwasyon sa pasilidad kung paano gagawin ang pag-aaral, kaya maging flexible at maunawain. Ang konduktor ng pag-aaral ay dapat magdala ng maraming kopya ng publikasyon at kolektahin ito pagkatapos ng pag-aaral. Baka kailangang magdala ng mga kopya na malalaki ang letra. Maaaring basahin ang mga parapo at magkaroon ng tanong-sagot na talakayan gaya ng ginagawa natin. Ang mga nakapagbabasa pa ay puwedeng pabasahin ng mga parapo o teksto kung gusto nila. Sa panahon ng pag-aaral, maging masigla, positibo, at palakaibigan. Matapos humingi ng permiso sa nangangasiwa, maaari mong ipapanood paminsan-minsan ang isang video natin na nagpapatibay ng pananampalataya sa Bibliya o nagpapakita ng aral mula sa isang ulat ng Bibliya. Baka posibleng simulan at tapusin sa simpleng panalangin ang pag-aaral. Ginagamit din ng ilang mamamahayag ang mga awiting pang-Kaharian.

6. Ano ang puwedeng gawin kapag may nagbangon ng pagtutol?

6 Paano kung may tumutol sa binasa o sinabi sa panahon ng pag-aaral? Maging mataktika sa pagsagot. (Col. 4:6) Baka puwede kang gumamit ng isang teksto sa Bibliya na magbibigay-linaw sa binanggit niya. Kung hindi praktikal na gawin ito, makabubuting ipakitang hindi mo binabale-wala ang sinabi niya at imungkahing pag-usapan ninyong dalawa iyon pagkatapos ng pag-aaral.

7. Ano ang puwedeng gawin kung isang residente ang may personal na tanong o gustong matuto pa?

7 Kung minsan, baka may residente na magtanong o magsabing gusto niyang matuto pa. Ganito ang sinasabi ng isang sister: “Magandang tanong ‘yan. Pero dahil personal na tanong ‘yan, tapusin muna natin ang pagbabasa. ‘Tapos, puwede na nating pag-usapang dalawa ‘yan.” Kadalasan, posibleng magkaroon ng bukod na pag-aaral sa Bibliya sa isang interesado sa ibang oras at lokasyon.

8. Paano irereport ang panggrupong pag-aaral sa Bibliya at indibiduwal na mga pag-aaral?

8 Karaniwan nang makabubuti kung hindi papalit-palit ang mga Saksing nagdaraos ng pag-aaral sa pasilidad. Makapagrereport ng oras ang sinumang mamamahayag na nakikibahagi rito. Kapag regular na ang pag-aaral, ang mamamahayag na nangunguna sa pag-aaral ay makapagrereport ng isang pagdalaw-muli sa bawat pag-aaral at isang pag-aaral sa Bibliya bawat buwan. Ang mga pang-indibiduwal na pag-aaral sa Bibliya sa mga residenteng may kakayahan pang makaunawa at matuto ay mairereport sa karaniwang paraan.

9, 10. Ano-anong katangian ang kailangan para sa gawaing ito? Ipaliwanag.

9 Para Maging Regular: Makabubuti kung may nakaiskedyul na araw at oras para sa panggrupong pag-aaral. Aasahan ng mga residente at staff na magiging regular ito at magsisimula at magtatapos nang nasa oras. (Mat. 5:37) Kaya tumupad sa usapan, maging masipag, at maging organisado. Batay sa karanasan, epektibo kung dalawang kuwalipikadong mamamahayag ang magtutulungan sa pagdaraos ng panggrupong pag-aaral. (Ecles. 4:​9, 10) Sa malalaking pasilidad, baka mas maraming mamamahayag ang kailangan.

10 Mahalaga rin ang pagiging palakaibigan at personal na interes. (Fil. 2:4) Sa unang pagbisita, maglaan ng panahon para makilala ang bawat residenteng dumalo. Isulat ang kanilang mga pangalan at sikaping makabisado bago ang susunod na pag-aaral. Kapag matiyaga ka at maawain, magiging palagay ang loob nila at madarama nilang pinahahalagahan sila.

11. Paano magpapakita ng paggalang sa mga staff at kapamilya ng mga residente ang mga nagdaraos ng pag-aaral?

11 Mahalaga rin na maging magalang at mabait sa mga staff ng pasilidad at sa kapamilya ng mga residente. Kapag naisaayos na ang pag-aaral, hindi magandang baguhin ang oras o format nito nang hindi ipinakikipag-usap muna sa nangangasiwa. Paminsan-minsan, tanungin ang nangangasiwa kung ano ang masasabi niya sa ginagawang pag-aaral. Kapag may kapamilya na bumisita sa panahon ng pag-aaral, makipagkilala sa mga ito. Ipaliwanag sa kanila ang layunin ng pag-aaral sa Bibliya. Sabihin na talagang nagmamalasakit ka sa kanilang kapamilya. Anyayahan silang makinig sa pag-aaral.

12, 13. Maglahad ng mga karanasang nagpapakita ng kapakinabangan ng pagpapatotoo sa nursing home.

12 Mga Resulta: Ayon sa report ng mga naglalakbay na tagapangasiwa at ng mga kongregasyon, maraming magagandang resulta ang gawaing ito. Halimbawa, sa unang talakayan sa isang pasilidad, mga 20 residente ang dumalo. Di-nagtagal, anim na residente ang indibiduwal na nagpa-Bible study. Isa sa kanila ang nabautismuhan. Sa isa pang nursing home, isang 85-anyos na babae ang napakilos na umugnay sa lokal na kongregasyon at nagsabing gusto niyang mabautismuhan. Nang alisin ng isang pasilidad sa kanilang aktibidad ang panggrupong pag-aaral na idinaraos ng mga Saksi ni Jehova, nagreklamo ang mga residente sa nangangasiwa ng pasilidad! Ibinalik ang pag-aaral at 25 hanggang 30 residente ang dumadalo rito.

13 Hindi lang mga residente ang nagkakaroon ng magandang impresyon dahil sa pag-ibig na ipinakikita natin sa mga nasa nursing home. Halimbawa, madalas na sumasama sa pag-aaral ang mga staff at nakikibahagi pa nga. Nagbibigay rin ng magandang patotoo sa komunidad ang pagsisikap nating magpakita ng personal na interes. (1 Ped. 2:12) Matapos banggitin sa kaniya ang layunin ng pag-aaral, sinabi ng isang administrador: “Bakit ngayon lang kayo nagpunta? Kailan kayo puwedeng magsimula?” Isinulat naman ng isang nangangasiwa: “Irerekomenda ko ang panggrupong pag-aaral na ito sa iba pang kalapít na nursing home. Ginagawa ito ng mga Saksi ni Jehova nang walang bayad bilang bahagi ng paglilingkod nila sa komunidad.” Sa Hawaii, binigyan ng isang nursing home ang mga Saksi ni Jehova ng Volunteer Service Award na nagsasabing ang mga boluntaryo ay “di-matutumbasang kayamanan” sa mga nasa pasilidad.

14. Bakit gusto nating tulungan ang mga nasa nursing home?

14 Inaanyayahan ni Jehova ang mga may-edad na purihin siya. (Awit 148:​12, 13) Kasama sa paanyayang iyan ang mga nasa nursing home. May mga nursing home ba sa teritoryo ninyo? Puwede kayang makinabang sa mabuting balita ang mga may-edad doon? Sa tulong ng mga elder at mga nangangasiwa sa nursing home, makapagbibigay tayo ng magandang patotoo sa mga naroroon. Kapag inaalaala natin ang mga may-edad, tinutularan natin si Jehova.​—Awit 71:​9, 18.

Panggrupong Talakayan sa Nursing Home

  • Magreport sa receptionist at sa nangangasiwa sa aktibidad pagdating mo sa araw ng nakaiskedyul na talakayan o pag-aaral.

  • Magdala ng sapat na kopya ng publikasyong pag-aaralan ng grupo. Ilagay ang mga ito sa maayos na bag, at kolektahin pagkatapos ng pag-aaral.

  • Maging relaks, palakaibigan, at masigla. Tawagin ang mga residente sa kanilang pangalan.

  • Isa-isang basahin at talakayin ang mga parapo.

  • Gumamit ng maiikling tanong. Bigyan ng komendasyon ang mga nagkokomento.

  • Kung may magtanong tungkol sa doktrina o magbangon ng kontrobersiyal na mga tanong, ipagpaliban muna ang pagsagot. Sagutin ito nang kayong dalawa lang.

  • Sagutin sa simple at tuwirang paraan ang tanong ng mga staff at kapamilya.

  • Samantalahin ang mga pagkakataong makapagpasimula ng indibiduwal na pag-aaral sa mga residente, kapamilya, at staff.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share