Itinitiwarik Natin ang mga Bagay na Matibay ang Pagkakatatag
1 Sa loob ng maraming siglo, inililigaw ni Satanas ang puso’t isip ng maraming tao sa pamamagitan ng paggamit ng huwad na mga turo at panlilinlang. Ipinalalaganap niya ang mga doktrinang gaya ng Trinidad, imortalidad ng kaluluwa, at apoy ng impiyerno. Naghahasik siya ng pag-aalinlangan hinggil sa pag-iral ng isang Maylalang at sa pagiging totoo ng Bibliya. Malaking hadlang din ang pagtatangi ng lahi at nasyonalismo upang hindi tanggapin ng mga tao ang katotohanan. (2 Cor. 4:4) Paano natin maititiwarik ang gayong mga paniniwala na matibay ang pagkakatatag?—2 Cor. 10:4, 5.
2 Sangkot ang Damdamin: Ang mga relihiyosong paniniwala na malaon nang itinuro sa mga tao na totoo ay karaniwang nagsasangkot ng damdamin. Ang ilan ay nanghawakan sa maling mga paniniwala na kanilang kinagisnan. Upang matulungan sila, kailangan tayong magsalita sa paraang nagpapakita na iginagalang natin ang kanilang pangmalas.—1 Ped. 3:15.
3 Maipakikita natin ang paggalang sa mga taong ito kung hahayaan nating ipaliwanag nila ang kanilang pinaniniwalaan at kung bakit. (Sant. 1:19) Marahil naniniwala silang walang kamatayan ang kaluluwa sapagkat namatayan sila ng mga mahal sa buhay, at inaasam nilang makitang muli ang mga ito. O maaaring nagdiriwang sila ng mga kapistahan dahil nagbibigay ito ng mga pagkakataon na makasama nila ang kanilang pamilya. Kung pakikinggan natin sila, mauunawaan natin ang kanilang damdamin at tutulong ito sa atin na tumugon sa epektibong paraan.—Kaw. 16:23.
4 Tularan si Jesus: Nagbigay sa atin ng mahusay na halimbawa si Jesus nang sagutin niya ang mga tanong ng isang lalaking bihasa sa Kautusan. Hindi sinabi ni Jesus sa kaniya kung ano ang gagawin, na maaaring tanggihan ng lalaki dahil malapít sa kaniyang puso ang mga paniniwalang ito. Sa halip, ginamit ni Jesus ang Kasulatan, pinasigla siyang ipahayag ang kaniyang pananaw, at tinulungan siyang mangatuwiran sa pamamagitan ng isang ilustrasyon.—Luc. 10:25-37.
5 Kayang-kayang itiwarik ng katotohanan ng Salita ng Diyos ang maling mga relihiyosong paniniwala ng mga tao na matibay ang pagkakatanim sa isip at damdamin. (Heb. 4:12) Sa matiyagang pagpapaliwanag ng katotohanan, maaari nating maantig ang puso ng ating mga tagapakinig at matulungan ang mga tao na tanggihan ang kasinungalingan at tanggapin ang katotohanan na magpapalaya sa kanila.—Juan 8:32.