Napakahalaga ng Personal at Pampamilyang Pag-aaral sa Bibliya!
1. Nais ng Lupong Tagapamahala na magkaroon tayo ng anong kaugnayan sa Diyos, at bakit gayon na lamang ang kanilang pagmamalasakit sa atin?
1 Gaya noong unang siglo, lubos na nagmamalasakit ang Lupong Tagapamahala sa kapakanan ng bayan ni Jehova. (Gawa 15:6, 28) Habang papalapit nang papalapit ang malaking kapighatian, napakahalaga na ang bawat mamamahayag ng Kaharian ay magkaroon ng matibay na kaugnayan kay Jehova. Paano ninyo gagamitin ang panahon na dating nakalaan para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat? Hinihimok ang lahat na gugulin ito sa pampamilyang pagsamba. Ang matalinong paggamit ng panahong ito ay magbibigay sa atin ng pagkakataong magsaliksik pa nang higit sa kinasihang Salita ng Diyos at kumuha ng nagbibigay-buhay na tubig mula rito.—Awit 1:1-3; Roma 11:33, 34.
2. Paano maaaring isaayos ang ating gabi ng pampamilyang pagsamba?
2 Gabi ng Pampamilyang Pagsamba: Pinasisigla ang mga ulo ng pamilya na gampanan ang kanilang pananagutan kay Jehova na tiyaking nasusunod ng kanilang pamilya ang isang makabuluhan at regular na programa ng pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. (Deut. 6:6, 7) Magagamit naman ng mga kapatid na walang asawa at pananagutan sa pamilya ang panahong ito para sa personal na pag-aaral sa Bibliya at sa pagsasaliksik. Napakahalaga para sa ating lahat na ‘bilhin ang naaangkop na panahon’ para sa pag-aaral at pagbubulay-bulay upang mapanatili nating malakas ang ating espirituwalidad sa ‘balakyot na mga araw’ na ito.—Efe. 5:15, 16.
3, 4. Anu-anong materyal ang iminumungkahi na gamitin natin sa pag-aaral, at sa anong layunin?
3 Kung Ano ang Pag-aaralan: Ang Watch Tower Publications Index o Watchtower Library sa CD-ROM ay makatutulong sa inyo na makita ang mga impormasyong kailangan ninyo upang maging kasiya-siya ang inyong pag-aaral sa Bibliya. Maaaring talakayin ng mga pamilya ang mga artikulo ng Ang Bantayan, tulad ng regular na lumalabas na mga seksiyong “Susi sa Maligayang Pamilya,” “Turuan ang Iyong mga Anak,” at “Para sa mga Kabataan.” Naglalaman din ang Gumising! ng mga serye ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” at ng magagandang artikulo tungkol sa kahanga-hangang paglalang.
4 Ang sama-samang pagbabasa ng Bibliya nang hindi nagmamadali ay magkikintal ng makadiyos na mga simulain sa isip at puso ng mga miyembro ng pamilya. (Heb. 4:12) Sa ibang pagkakataon naman, puwede ninyong panoorin at talakayin ang isa sa mga video na ginawa ng organisasyon. Maaari kayong pumili ng iba’t ibang paksang pag-aaralan at umisip ng kawili-wiling mga paraan kung paano ito tatalakayin. Bakit hindi tanungin ang inyong mga kapamilya kung ano ang gusto nilang talakayin sa inyong pag-aaral?
5. Bakit napakahalaga sa ating buhay ngayon ang personal at pampamilyang pag-aaral sa Bibliya?
5 Kung Bakit Mahalaga Itong Gawin Ngayon: Ang pagpapalakas ng ating espirituwalidad ay tutulong sa atin na ‘tumayong matatag at tingnan ang pagliligtas ni Jehova.’ (Ex. 14:13) Kailangan ng mga magulang ang patnubay ng Diyos sa pagpapalaki ng kanilang mga anak “sa gitna ng isang liko at pilipit na salinlahi.” (Fil. 2:15) Ang mga anak naman ay nangangailangan ng tulong upang maharap nila ang patuloy na pagbaba ng moral sa mga paaralan sa ngayon. (Kaw. 22:3, 6) Kailangan namang patibayin ng mga mag-asawa ang bigkis ng kanilang pagsasama anupat isinasama si Jehova sa kanilang buhay may-asawa upang ito ay maging tulad ng “panali na tatlong-ikid.” (Ecles. 4:12) Kung gayon, maging matalino nawa tayo sa paggamit ng nalalabing panahon upang patibayin ang ating sarili sa ating “kabanal-banalang pananampalataya”!—Jud. 20.