Isang Espesyal na Araw Para sa Pag-aalok ng mga Pag-aaral sa Bibliya
1 Pasimula sa Enero, mag-iiskedyul ang lahat ng kongregasyon ng isang dulo ng sanlinggo sa bawat buwan, marahil ay ang unang dulo ng sanlinggo, para pagtuunan ng pansin ang pag-aalok ng pag-aaral sa Bibliya. Maaari itong gawin nang Sabado o Linggo, depende kung ano ang pinakapraktikal sa inyong lugar. Kapag nag-alok ang mga mamamahayag ng pag-aaral sa Bibliya sa araw na iyon at tumanggi ang may-bahay, maaari pa ring ialok sa kaniya ang aklat na Itinuturo ng Bibliya o ang pinakabagong mga magasin. Dapat isaayos ng lahat ng matatanda at mga ministeryal na lingkod ang kanilang iskedyul upang lubusan silang makabahagi sa gawaing ito sa abot ng kanilang makakaya at matulungan nila ang mga mamamahayag na makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.
2 Ang Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon ang magpapasiya kung sa aling dulo ng sanlinggo sila magtatakda ng isang araw para sa pag-aalok ng pag-aaral sa Bibliya. Sa pana-panahon, dapat ipaalaala ng matatanda ang kaayusang ito para makapaghanda ang mga mamamahayag at makagawa ng pantanging pagsisikap sa pag-aalok ng pag-aaral sa Bibliya kapag nangangaral sila sa bahay-bahay at dumadalaw-muli sa mga nagpakita ng interes.
3 Kung Paano Maghahanda: Makakakuha tayo ng mga mungkahi sa pagpapasimula ng pag-aaral sa Bibliya sa insert ng Ating Ministeryo sa Kaharian ng Enero 2006, at sa aklat na Nangangatuwiran, pahina 14. Ang ilan naman ay maaaring gumamit ng tract na gaya ng Gusto Mo Bang Malaman ang Katotohanan? Gayundin, may mungkahi mula sa Ating Ministeryo sa Kaharian ng Abril 2007, pahina 4, kung paano makapagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya kapag dumadalaw sa mga tumanggap ng magasin. Ang matatanda at ang mga ministeryal na lingkod ay bibigyan ng iskedyul na pangasiwaan ang isang maikling pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan na tatagal lamang ng 10 hanggang 15 minuto. Tatalakayin at itatanghal sa pagtitipong ito ang isa o dalawang praktikal na mungkahi sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.
4 Sabihin pa, hindi lahat ng tao ay tatanggap ng pag-aaral sa Bibliya o magpapatuloy sa pag-aaral sa loob ng mahabang panahon. Gayunman, hindi ito dapat maging dahilan para mag-atubili tayo sa pag-aalok ng pag-aaral sa Bibliya, yamang si Jehova ang naglalapit sa mga tulad-tupang indibiduwal tungo sa kaniyang organisasyon. (Juan 6:44) Ang ating pananagutan ay hindi lamang ang paghahasik ng mga binhi ng katotohanan kundi ang paglilinang at pagdidilig din sa mga nag-ugat na binhi, at kasama riyan ang pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga taong may matuwid na puso. Sa paggawa nito, tayo ay nagiging mga kamanggagawa ng Diyos.—1 Cor. 3:9.