Ang Pangangaral ay Nagpapalakas sa Atin sa Espirituwal
1. Anong mga kapakinabangan ang naidudulot sa atin ng pangangaral?
1 Ang masigasig na pangangaral ay makapagpapalakas sa atin sa espirituwal at makapagbibigay sa atin ng higit na kaligayahan. Sabihin pa, ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nangangaral ay upang paluguran si Jehova. Gayunman, kapag sinusunod natin ang utos na ‘ipangaral ang salita,’ pinagpapala tayo ni Jehova at nakikinabang tayo sa iba pang paraan. (2 Tim. 4:2; Isa. 48:17, 18) Paano ba tayo napapalakas at nagiging maligaya dahil sa pangangaral?
2. Paano tayo napapalakas ng ating ministeryo?
2 Napapalakas Tayo at Pinagpapala: Dahil sa pangangaral, nakapagtutuon tayo ng pansin sa mga pagpapala ng Kaharian imbes na sa mga problema sa ngayon. (2 Cor. 4:18) Kapag ipinaliliwanag natin sa iba ang mga turo ng Bibliya, napapatibay ang ating pananampalataya sa mga pangako ni Jehova at lalo nating napapahalagahan ang katotohanan. (Isa. 65:13, 14) Habang tinutulungan natin ang iba na sumulong sa espirituwal upang ‘hindi maging bahagi ng sanlibutan,’ lalo tayong nagiging determinado na maging hiwalay sa sanlibutan.—Juan 17:14, 16; Roma 12:2.
3. Paano tumutulong sa atin ang ating ministeryo na malinang ang mga katangiang Kristiyano?
3 Ang pakikibahagi sa ministeryo ay tumutulong sa atin na malinang ang mga katangiang Kristiyano. Halimbawa, lalo tayong nagiging mapagpakumbaba kapag sinisikap nating ‘maging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.’ (1 Cor. 9:19-23) Kapag nakikipag-usap tayo sa mga taong “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol,” natututuhan nating magpakita ng habag at empatiya. (Mat. 9:36) Natututo rin tayong magbata kapag nagtitiyaga tayo sa kabila ng kawalang-interes o pagsalansang. Nagiging mas maligaya tayo kapag ginagamit natin ang ating buhay sa pagtulong sa iba.—Gawa 20:35.
4. Ano ang nadarama mo hinggil sa iyong ministeryo?
4 Isa ngang pagpapala na makibahagi sa ministeryo na nagdudulot ng papuri sa Isa na karapat-dapat sa ating pagsamba! Napapalakas tayo ng ating ministeryo. Nagdudulot ito ng saganang pagpapala sa mga ‘lubusang nagpapatotoo sa mabuting balita.’—Gawa 20:24.