Harapin ang Hamon ng Pagpapatotoo sa mga Lalaki
1. Ano ang apurahang pangangailangan sa gawaing pang-Kaharian?
1 Habang patuloy na sumusulong ang gawaing pang-Kaharian sa mga huling araw na ito, apurahan ang pangangailangan para sa kuwalipikadong espirituwal na mga lalaking mangunguna. (Mar. 4:30-32; Gawa 20:28; 1 Tim. 3:1-13) Pero sa ilang lugar, kaunti lamang ang mga lalaking tumatanggap sa mensahe ng Kaharian. Sa ilang kultura naman, iniaasa na lamang ng mga lalaki sa kanilang asawa ang espirituwal na pangangailangan ng pamilya. Ano ang puwede nating gawin para mas maraming lalaki ang maging interesado sa espirituwal na mga bagay at sumama sa atin sa tunay na pagsamba?
2. Ano ang naging resulta ng pagpapatotoo nina Pablo at Pedro sa mga lalaki?
2 Magpatotoo sa mga Lalaki: Kapag tinanggap ng ulo ng pamilya ang katotohanan, karaniwan nang naaakay niya ang ibang miyembro ng pamilya sa tunay na pagsamba. Halimbawa, habang nakakulong sina Pablo at Silas, nagpatotoo sila sa isang tagapagbilanggo. Nabautismuhan ang lalaking iyon at ang buong sambahayan niya. (Gawa 16:25-34) Bilang resulta ng pangangaral ni Pablo sa Corinto, “si Crispo na punong opisyal ng sinagoga ay naging isang mananampalataya sa Panginoon, at gayundin ang kaniyang buong sambahayan.” (Gawa 18:8) Inutusan naman ni Jehova si Pedro na magpatotoo kay Cornelio, isang opisyal ng hukbo na “taimtim at natatakot sa Diyos.” Nabautismuhan si Cornelio pati na ang kaniyang mga kamag-anak at matatalik na kaibigan.—Gawa 10:1-48.
3. Sino sa mga “taong may kapangyarihan” ang puwede mong patotohanan, gaya ng ginawa ni Felipe?
3 Maaaring magkaroon ng magandang resulta ang pagpapatotoo sa mga lalaking “nasa mataas na katayuan.” (1 Tim. 2:1, 2) Halimbawa, si Felipe ay sinabihan ng anghel ni Jehova na magpatotoo sa “isang taong may kapangyarihan” sa lahat ng kayamanan ng reyna ng mga Etiope. Narinig ni Felipe na “binabasa [ng lalaki] nang malakas ang propetang si Isaias” at ipinaliwanag niya rito ang mabuting balita tungkol kay Jesus. Ang Etiopeng ito ay naging alagad at malamang na ibinahagi niya ang mabuting balita habang naglalakbay pauwi. Baka nagpatotoo rin siya sa reyna at sa mga miyembro ng korte, na malamang ay walang gaanong pagkakataon na makarinig ng mabuting balita.—Gawa 8:26-39.
4. Paano natin mabibigyan ng higit na pagkakataon ang mga lalaki na makarinig ng mabuting balita?
4 Hanapin ang Mas Maraming Lalaki: Dahil kadalasang nasa trabaho ang mga lalaki kung araw, puwede mo kayang baguhin ang iyong iskedyul para makalabas sa ministeryo sa gabi, dulo ng sanlinggo, o kapag piyesta opisyal? Kung regular kang gagawa sa mga lugar ng negosyo, madadagdagan pa ang pagkakataon mong makapagpatotoo sa mga lalaki na bihirang nasa bahay. Puwede ring sikapin ng mga brother na magpatotoo nang di-pormal sa mga lalaking katrabaho nila. Sa pagbabahay-bahay, lalo na sa mga teritoryong madalas magawa, baka puwedeng ang ulo ng sambahayan ang kausapin ng mga brother.
5. Ano ang dapat gawin ng mga sister kapag may nakausap silang lalaki na interesado sa mensahe ng Kaharian?
5 Ang mga sister ay hindi dapat dumalaw-muli nang mag-isa sa isang lalaki na nagpakita ng interes sa katotohanan. Puwede niyang isama ang kaniyang asawa o iba pang mamamahayag. Kung magpapatuloy ang interes ng lalaki, mas makabubuting ipasa ito sa kuwalipikadong brother.
6. Paano natin ‘matatamo ang pinakamaraming tao,’ gaya ng ginawa ni apostol Pablo?
6 Pumili ng mga Paksang Magiging Interesado ang mga Lalaki: Iniisip ni apostol Pablo kung sino ang kaniyang tagapakinig at ibinabagay niya ang kaniyang sasabihin para ‘matamo niya ang pinakamaraming tao.’ (1 Cor. 9:19-23) Sa katulad na paraan, isipin muna natin kung anong mga paksa ang malamang na makakuha ng interes ng mga lalaking makakausap natin at saka paghandaan ito. Halimbawa, ang mga lalaki ay karaniwan nang nababahala sa mga problema sa pera, palakad ng gobyerno, at seguridad at kapakanan ng pamilya. Baka interesado rin sila sa layunin ng buhay, sa mangyayari sa lupa, at sa dahilan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. Mas magiging positibo ang tugon ng mga tao sa mensahe ng Kaharian kung pag-iisipan nating mabuti ang ating sasabihin.—Kaw. 16:23.
7. Paano makakatulong ang mga miyembro ng kongregasyon kapag dumalo sa pulong ang isang di-sumasampalatayang asawang lalaki?
7 Makipag-usap sa mga Di-sumasampalatayang Asawang Lalaki: Karaniwan na, malaki ang epekto ng mainam na paggawi ng mga sister sa kanilang di-sumasampalatayang asawa. Pero malaki rin ang magagawa ng mga miyembro ng kongregasyon. (1 Ped. 3:1-4) Kapag dumalo sa pulong ang di-sumasampalatayang asawa ng isang sister, ang mainit na pagtanggap sa kaniya ng kongregasyon ay magsisilbing mabisang patotoo. Ang pagdalo niya ay maaaring magpahiwatig na naghahanap din siya ng katotohanan, at baka gusto rin niyang mag-aral ng Bibliya.
8. Paano makakatulong ang mga brother sa mga di-sumasampalatayang asawang lalaki na hindi gaanong interesado sa katotohanan?
8 May mga asawang lalaki naman na maaaring sa umpisa ay hindi gaanong interesado. Pero kapag may brother na silang nakapalagayan ng loob, baka makipag-usap na rin sila tungkol sa Bibliya. Sinisikap ng mga brother sa isang kongregasyon na makipagkuwentuhan sa di-sumasampalatayang asawang lalaki tuwing dinadalaw nila ang pamilya nito. Nauwi ang mga kuwentuhang iyon sa pag-uusap tungkol sa espirituwal na mga bagay, at ngayon ay bautisado na ang asawang lalaki. Tinulungan naman ng isang brother ang isang palakaibigang di-sumasampalatayang asawang lalaki sa paglalagay ng bakod sa bahay nito. Dahil sa ganitong personal na interes, napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. (Gal. 6:10; Fil. 2:4) Kaya mga brother, bakit hindi ninyo sikaping kaibiganin ang mga di-sumasampalatayang asawang lalaking ito?
9. Ano ang maaaring maging resulta ng pagsasanay sa mga lalaking Kristiyano?
9 Sanayin ang mga Lalaking Kristiyano: Ang mga lalaking tumutugon sa mensahe ng Kaharian at nagsisikap umabot ng mga pribilehiyo sa paglilingkod kay Jehova ay maaaring maging isa sa “kaloob na mga tao”—mga Kristiyanong elder na ginagamit ang kanilang kakayahan at lakas para sa kapakanan ng mga kongregasyon sa bayan ni Jehova. (Efe. 4:8; Awit 68:18) Pinapastulan ng gayong mga lalaki ang kongregasyon nang maluwag sa kalooban. (1 Ped. 5:2, 3) Napakalaking pagpapala sila sa mga kapatid!
10. Paano nakinabang ang marami sa pagsisikap ni Ananias na tulungan si Pablo?
10 Halimbawa, si Saul ay naging “isang apostol sa mga bansa,” bagaman dati siyang mang-uusig sa mga Kristiyano. (Roma 11:13) Kaya noong una, atubiling mangaral kay Saul ang alagad na si Ananias. Pero sinunod ni Ananias ang tagubilin ng Panginoon at kinausap ang lalaking naging si apostol Pablo. Sa paglipas ng mga taon, libu-libo ang nakinabang sa pangangaral ni Pablo at milyun-milyon ang patuloy na nakikinabang sa kaniyang kinasihang mga liham na bahagi ngayon ng Salita ng Diyos.—Gawa 9:3-19; 2 Tim. 3:16, 17.
11. Bakit kailangan nating gawin ang lahat upang harapin ang hamon ng pagpapatotoo sa mga lalaki?
11 Kaya gawin nawa natin ang lahat upang harapin ang hamon ng pagpapatotoo sa mga lalaki. Habang sinisikap nating gawin ito, makakaasa tayo na pagpapalain ni Jehova ang ating pagsisikap na gawin ang kaniyang kalooban at asikasuhin ang kapakanan ng Kaharian.