Sikaping Akayin sa Katotohanan ang Di-sumasampalatayang Asawa!
1. Bakit hindi lang mga kapamilya ng di-Saksi ang nagnanais na maakay sila sa katotohanan?
1 May mga kakongregasyon ba kayo na ang asawa ay hindi Saksi? Kung mayroon, tiyak na gusto ng mga mamamahayag na ito na maakay sa katotohanan ang kani-kanilang asawa. Pero hindi lang sila ang may gusto niyan. Gaya ng Diyos, hangad ng buong kongregasyon na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Paano natin maaakay sa katotohanan ang di-sumasampalatayang asawa ng ating mga kapatid?
2. Paano makakatulong ang kaunawaan para maakay sa katotohanan ang isang di-sumasampalatayang asawa?
2 Una, sikapin nating unawain ang pananaw ng isang di-sumasampalataya. Mahal niya ang pamilya niya at nagsisikap na maging mabuting asawa at magulang. Marahil ay taimtim siya sa relihiyosong paniniwala niya na iba sa pinaniniwalaan natin. Siguro kaunti lang ang alam niya sa mga Saksi ni Jehova, at baka galing pa nga ito sa mga kasamahan niyang walang alam o ayaw sa mga Saksi. Naiinis naman ang iba sa oras na ginagamit ng asawa sa pagsamba imbes na sa pamilya. Tutulong sa atin ang kaunawaan para pakitunguhan nang may kabaitan at respeto ang di-sumasampalataya, at hindi maasiwa sa harap niya.—Kaw. 16:20-23.
3. Ano ang maaaring pinakamainam na paraan para maakay ang isang di-sumasampalatayang asawa?
3 Personal na Interes: Maaaring sa umpisa, ang pinakamainam na paraan para maakay sa katotohanan ang isang di-sumasampalatayang asawa ay sa pamamagitan ng ating mga paggawi, hindi sa pamamagitan ng pag-uusap tungkol sa Bibliya. (1 Ped. 3:1, 2) Dito pumapasok ang personal na interes. Puwede itong ipakita ng mga sister sa di-sumasampalatayang asawang babae, at ng mga brother sa di-sumasampalatayang asawang lalaki. Paano?
4. Paano tayo makapagpapakita ng personal na interes?
4 Kung hindi mo pa kilala ang di-sumasampalatayang asawa, baka magandang magtanong muna sa asawang Saksi. Huwag masiraan ng loob kung sa una’y matabang ang pakikitungo sa iyo ng di-sumasampalatayang asawa. Kung magiging palakaibigan tayo at magpapakita ng personal na interes, baka magbago ang pananaw niya sa mga Saksi ni Jehova. (Roma 12:20) Inaanyayahan sa hapunan ng ilang may-gulang na Kristiyano ang di-sumasampalatayang asawa at ang pamilya nito para makilala sila at makapalagayang-loob. Pinag-uusapan nila kung saan interesado ang di-sumasampalatayang asawa, imbes na igiit ang espirituwal na paksa. Kung medyo palagay na ang loob ng di-sumasampalataya, saka pa lang maaaring ibaling sa Bibliya ang usapan. O baka tanggapin na niya ang paanyayang dumalo sa pulong para makita niya kung ano ang natututuhan ng kaniyang asawa, lalo na ngayong may kakilala na siya sa kongregasyon. Kahit na hindi pa siya handang mag-aral ng katotohanan, dapat lamang na komendahan siya sa pagsuporta sa kaniyang sumasampalatayang asawa.
5. Paano maaaring kaibiganin ng mga elder ang di-sumasampalataya?
5 Partikular nang dapat sikapin ng mga elder na kaibiganin ang di-sumasampalatayang asawa at maging alisto sa mga pagkakataong magpatotoo. Baka makinig sa maka-Kasulatang pampatibay-loob ang isang di-sumasampalatayang dating ayaw pag-usapan ang Bibliya kung siya ay maospital o magkasakit. Kung ang isang nababahaging sambahayan ay mamatayan ng mahal sa buhay, maaaring anyayahan ng mga elder ang di-sumasampalataya na makiupo sa kanila habang pinatitibay ang pamilya.
6. Bakit nanaisin nating akayin sa katotohanan ang di-sumasampalatayang asawa?
6 Isip-isipin ang kagalakang madarama ng ating kapatid kung ang kaniyang asawa ay maakay sa katotohanan! Magdudulot din ito ng kagalakan kay Jehova, sa mga anghel, at sa kongregasyon. (Luc. 15:7, 10) Kung hindi man tumugon agad ang di-sumasampalataya, makapagsasaya pa rin tayo na nakalugod kay Jehova ang pagsisikap natin, “sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.”—2 Ped. 3:9.
[Blurb sa pahina 6]
Maaaring sa umpisa, ang pinakamainam na paraan para maakay sa katotohanan ang isang di-sumasampalatayang asawa ay sa pamamagitan ng ating mga paggawi, hindi sa pamamagitan ng pag-uusap tungkol sa Bibliya