‘Maging Maningas sa Espiritu’
1. Anong katangian ang dapat na makita sa ating ministeryo?
1 Maraming gawain ang mga Kristiyano at dapat na lagi tayong abala rito. Kaya pinasisigla tayong ‘maging maningas sa espiritu’ at ‘magpaalipin kay Jehova.’ (Roma 12:11) Pero maraming puwedeng makabawas sa ating sigasig sa ministeryo. Paano natin ‘paniningasing tulad ng apoy’ ang ating sigasig sa gawaing pang-Kaharian?—2 Tim. 1:6, 7.
2. Ano ang kaugnayan ng personal na pag-aaral ng Bibliya sa masigasig na paglilingkod?
2 Personal na Pag-aaral ng Bibliya: Ang isang mabisang mángangarál ng Kaharian ay umiibig sa kautusan ng Diyos at sa katotohanang nakapaloob dito. (Awit 119:97) Ang mahahalagang bagay na natututuhan natin mula sa personal na pag-aaral ng Bibliya ay umaantig sa atin na maging masigasig. Dahil iniibig natin ang Tagapaglaan ng gayong katotohanan at nais nating ibahagi sa iba ang mabuting balita, pinupuri natin ang Diyos at inihahayag ang kaniyang pangalan. (Heb. 13:15) Naipapakita natin ang ating matinding pagpapahalaga sa mabuting balita kung buong-sigasig natin itong ipangangaral.
3. Paano makakatulong sa ating ministeryo ang espiritu ng Diyos?
3 Hingin sa Panalangin ang Espiritu ng Diyos: Magiging mabisa tayo sa ministeryo, hindi sa ating sariling lakas, kundi sa tulong ng espiritu ng Diyos. (1 Ped. 4:11) Ang pagiging malapít sa Pinagmumulan ng “dinamikong lakas” ay tutulong sa atin na tumibay sa espirituwal at buong-tapang na makapangaral. (Isa. 40:26, 29-31) Nang mapaharap si apostol Pablo sa maiigting na kalagayan, “natamo [niya] ang tulong na nagmumula sa Diyos.” (Gawa 26:21, 22) Mapalalakas tayo ng banal na espiritu ni Jehova at tutulong ito sa atin na maging maningas sa ministeryo. Kaya hingin natin ito sa panalangin.—Luc. 11:9-13.
4. Ano ang magandang epekto ng pagiging masigasig? Pero ano ang hindi natin dapat kalimutan?
4 Nakakahawa ang masigasig na pangangaral. (2 Cor. 9:2) At mas malamang na makuha natin ang interes ng mga tao kung masigla tayo at nagsasalita nang may pananalig. Pero kasabay ng pagiging masigasig ang pagiging mataktika at mahinahon. (Tito 3:2) Hindi natin kailanman ipapahiya ang may-bahay. Lagi nating nirerespeto ang opinyon nila.
5. Anong payo sa Bibliya ang dapat nating sikaping sundin?
5 Bilang mga tagapaghayag ng Kaharian, lagi nawa tayong ‘maging maningas sa espiritu’ sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng Bibliya at marubdob na pananalangin kay Jehova, ang Pinagmumulan ng dinamikong banal na espiritu. Sa gayon, maisasakatuparan natin ang ating ministeryo “sa pamamagitan ng banal na espiritu at matibay na pananalig.”—1 Tes. 1:5.