Dapat Nating Panatilihin ang Ating Sigasig sa Ministeryo
1 Taun-taon mula noong 1992, ang mga Saksi ni Jehova ay buong sigasig na gumugugol ng mahigit isang bilyong oras sa pambuong-daigdig na pangangaral tungkol sa Kaharian at paggawa ng alagad. Kayligaya nga natin na magkaroon ng maliit na bahagi sa napakalaking gawain na naisasakatuparan!—Mat. 28:19, 20.
2 Sabihin pa, kay Jehova nauukol ang lahat ng pasasalamat at papuri, sapagkat tinutulungan niya tayo sa ating ministeryo sa “mga panahong [ito na] mapanganib.” (2 Tim. 3:1) Ano ang dapat nating gawin upang patuloy tayong maging masigasig sa pakikibahagi sa mahalagang gawaing ito?
3 Dahilan Upang Maging Masigasig: Ang matinding pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, gayundin ang taos-pusong hangarin na tuparin ang ating pag-aalay, ay gumaganyak sa atin na maglingkod para sa Kaharian. (Mat. 22:37-39; 1 Juan 5:3) Inuudyukan tayo ng pag-ibig na magsakripisyo upang makibahagi tayo nang lubusan sa pangangaral.—Luc. 9:23.
4 Magsikap na Mapanatili ang Sigasig: Ginagawa ng ating kaaway, ang Diyablo, ang lahat ng paraan upang mabawasan ang ating sigasig sa ministeryo. Ang pagwawalang-bahala ng mga tao sa ating teritoryo, ang mga pang-abala ng sanlibutang ito, ang mga panggigipit ng pang-araw-araw na pamumuhay, at pagkabahala sa ating humihinang kalusugan ay ilan lamang sa mga bagay na ginagamit niya upang pahinain ang ating loob.
5 Kaya dapat tayong magsikap nang husto na laging maging masigasig. Mahalagang linangin natin “ang pag-ibig na taglay [natin] noong una.” Nangangahulugan ito na regular nating babasahin at bubulay-bulayin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, at sasamantalahin ang lahat ng paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.”—Apoc. 2:4; Mat. 24:45; Awit 119:97.
6 Gaya ng maliwanag na ipinakikita ng mga hula sa Bibliya, mabilis na dumarating ang araw ni Jehova kung kailan pupuksain niya ang mga taong di-makadiyos. (2 Ped. 2:3; 3:10) Kaya nga, magsikap tayo nang husto na panatilihin ang ating sigasig sa ministeryo, anupat lubusang nakikibahagi sa pambuong-daigdig na pangangaral tungkol sa Kaharian at paggawa ng alagad na isinasagawa ngayon!