Simple ba ang Iyong Mata?
1. Ano ang ibig sabihin ng ‘simpleng mata’?
1 Ang nakikita ng ating mata ay nakaiimpluwensiya sa ating pagkilos. Tamang-tama ang sinabi ni Jesus: “Kaya nga, kung ang iyong mata ay simple, ang buong katawan mo ay magiging maliwanag”! (Mat. 6:22) Kung simple ang ating mata, ito’y nakapokus sa iisang layunin—gawin ang kalooban ng Diyos. Inuuna natin ang Kaharian at hindi hinahayaang makahadlang sa ating ministeryo ang di-kinakailangang materyal na mga bagay o mga gawain.
2. Ano ang maaaring pumilipit sa ating pananaw? Ano ang makatutulong sa atin?
2 Suriin ang Sarili: Ang pananaw natin sa materyal na mga bagay ay puwedeng pilipitin ng mga advertisement o ng nakikita nating mayroon ang ibang tao. Bago pumasok sa isang gawain o bumili ng isang bagay na mangangailangan ng malaking panahon, pera, o lakas, makabubuting ‘tuusin muna ang gastusin.’ Tanungin ang iyong sarili, ‘Makatutulong ba ito o makahahadlang sa ministeryo ko?’ (Luc. 14:28; Fil. 1:9-11) Maganda ring tingnan sa pana-panahon kung paano pa natin mas mapapasimple ang ating buhay para makagawa ng higit pa sa ministeryo.—2 Cor. 13:5; Efe. 5:10.
3. Ano ang matututuhan natin mula sa sister na nagpasimple ng kaniyang buhay?
3 Nang mag-regular pioneer ang isang sister, pinili niyang manatili sa full-time na trabaho sa halip na magpart-time, kahit na makakasapat naman sana ito sa kaniya. Nang maglaon, natanto niya: “Imposibleng makapaglingkod sa dalawang panginoon. Kinailangan kong isakripisyo ang mga gusto ko para mapaglaanan ang sarili ko. Naluluma at napagsasawaan din naman ang materyal na mga bagay. Mapapagod lang ako sa kahahabol sa mga ito.” Napasimple niya ang kaniyang buhay at nakakuha ng ibang trabaho, kaya naipagpatuloy niya ang kaniyang pagpapayunir.
4. Bakit napakahalagang panatilihing simple ang ating mata ngayon?
4 Talagang napakahalagang panatilihing simple ang ating mata lalo na ngayon. Habang lumilipas ang bawat araw, palapít tayo nang palapít sa wakas ng sistemang ito at sa bagong sanlibutan ng Diyos. (1 Cor. 7:29, 31) Sa pananatiling nakapokus sa gawaing pangangaral, maililigtas natin ang ating sarili at ang mga nakikinig sa atin.—1 Tim. 4:16.