Ang Ating Priyoridad
1. Paano ipinakita ni Jesus na mahalaga sa kaniya ang ministeryo?
1 Ang priyoridad ni Jesus ay ang ministeryo. Nagpagal siya nang husto, anupat naglakad nang daan-daang kilometro sa buong Palestina upang makapangaral sa maraming tao. Namuhay siya nang simple upang makapag-ukol ng higit na panahon sa ministeryo. (Mat. 8:20) Nang pigilan siya ng mga pulutong para pagalingin niya ang mga maysakit, sinabi niya: “Sa ibang mga lunsod din ay dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.”—Luc. 4:43.
2. Bakit napakahalaga kay Jesus ng ministeryo?
2 Bakit napakahalaga kay Jesus ng ministeryo? Pangunahin na upang pabanalin ang pangalan ni Jehova. (Mat. 6:9) Mahal niya ang kaniyang makalangit na Ama kaya gusto niyang gawin ang Kaniyang kalooban at sundin ang lahat ng Kaniyang utos. (Juan 14:31) Isa pa, may malasakit siya sa mga tao at nais niyang tulungan sila.—Mat. 9:36, 37.
3. Paano natin maipakikita na nakapokus tayo sa ministeryo?
3 Tularan si Jesus: Hindi madali para sa atin na manatiling nakapokus sa Kaharian gaya ni Jesus dahil sa mga gawain sa sanlibutan na umuubos ng panahon at sa maraming panggambalang iniaalok nito. (Mat. 24:37-39; Luc. 21:34) Kaya dapat nating tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga, at mag-iskedyul ng panahon para regular na makapaghanda at makabahagi sa pangangaral. (Fil. 1:10) Sikaping mamuhay nang simple at huwag gamitin nang lubusan ang sanlibutan.—1 Cor. 7:31.
4. Bakit mahalagang panatilihin ngayon ang tamang priyoridad?
4 Kung limitado ang panahon, nagtatakda ng priyoridad ang isang matalinong tao. Halimbawa, kapag nabalitaan niyang may darating na bagyo, magpopokus siya ng panahon at lakas sa paghahanda upang mailigtas ang kaniyang pamilya at mababalaan ang mga kapitbahay. Isasaisantabi niya ang mga bagay na hindi mahalaga. Sa ngayon, maikli na ang panahong natitira bago dumating ang Armagedon. (Zef. 1:14-16; 1 Cor. 7:29) Upang mailigtas ang ating sarili at ang mga nakikinig sa atin, dapat na laging bigyang-pansin ang ating sarili at ang ating turo, sa loob man o sa labas ng kongregasyon. (1 Tim. 4:16) Oo, makaliligtas tayo kung lagi nating priyoridad ang ministeryo!