Ang Ministeryong Kristiyano—Ang Ating Pangunahing Gawain
1 Tayong lahat ay may iba’t ibang uri ng gawain na dapat isagawa. Ang paglalaan para sa sambahayan ng isa ay kahilingan ng Diyos. (1 Tim. 5:8) Gayunman, ang gawaing kasangkot sa kahilingang iyan ng Diyos ay hindi dapat mangibabaw sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad.—Mat. 24:14; 28:19, 20.
2 Nagbigay si Jesus ng huwaran na susundan natin sa ‘paghanap muna sa kaharian.’ (Mat. 6:33; 1 Ped. 2:21) Bagaman kakaunti lamang ang tinataglay niyang materyal na mga bagay, buhos na buhos ang kaniyang isip at lakas sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama. (Luc. 4:43; 9:58; Juan 4:34) Nagpunyagi siya sa pagpapatotoo sa bawat pagkakataon. (Luc. 23:43; 1 Tim. 6:13) Hinimok niya ang kaniyang mga alagad na magkaroon ng gayundin katinding interes sa gawaing pag-aani.—Mat. 9:37, 38.
3 Pagtulad kay Jesus sa Ngayon: Matutularan natin ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng pagsisikap na magkaroon ng simpleng buhay na nakasentro sa ministeryong Kristiyano. Kung taglay na natin ang mga kinakailangan sa buhay, pakinggan natin ang payo ng Bibliya na huwag nang patuloy na magtamo pa ng higit sa mga bagay ng sanlibutang ito. (Mat. 6:19, 20; 1 Tim. 6:8) Tunay na mas mainam na sikapin nating palawakin ang ating pakikibahagi sa gawaing pangangaral! Kapag napapaharap tayo sa mahihirap na kalagayan, nawa’y magpunyagi tayo na gaya ni Jesus, anupat hindi pinahihintulutan na mangibabaw ang mga kabalisahan sa buhay sa ating pangunahing gawain ng paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian.—Luc. 8:14; 9:59-62.
4 Inuuna maging ng mga indibiduwal na may maraming pananagutan ang gawaing pangangaral. Isang brother na may malaking pamilya, humahawak ng isang mabigat na trabaho, at naglilingkod bilang matanda sa kongregasyong Kristiyano ang nagsabi: “Itinuturing ko ang ministeryo bilang aking karera.” Ganito ang sabi ng isang sister na payunir: “Ang pagpapayunir ay mahalagang di-hamak kaysa sa isang matagumpay na sekular na karera.”
5 Anuman ang ating mga kalagayan, nawa’y tularan natin ang halimbawa ni Jesus. Paano? Sa pamamagitan ng pagturing sa ministeryong Kristiyano bilang ating pangunahing gawain.