Gawin Ninyong Karera ang Buong-Panahong Paglilingkod
1 Nang anyayahan ni Jesus ang iba na maging kaniyang mga tagasunod, niliwanag niyang ito’y naglalakip ng malawakang paghahayag ng Kaharian ng Diyos. (Luc. 9:57-62) Bagaman ang ating pagtugon sa paanyayang ito ay hindi naman humihiling ng pagbabago ng pinapasukan, tiyak na sangkot dito ang pagbabago sa bagay na dapat unahin. Kailangan nating “ipahayag ang mga karangalan” ni Jehova, na naglalakip sa paggawa ng mga alagad. (1 Ped. 2:9; Mat. 28:19, 20) Kung gayon, ang lahat ng mga naaalay kay Jehova ay dapat na isentro ang kanilang buhay sa palibot ng ministeryo. Ginawang karera ng marami ang buong-panahong paglilingkuran.—2 Cor. 4:1, 7.
ISANG KAPAKIPAKINABANG NA PARAAN NG PAMUMUHAY
2 Nang muling alalahanin ang nakaraang 54 na mga taon ng buong-panahong pagliliingkuran, isang payunir ang naudyukang sumulat: “Ang mga kagalakan na ibinigay ni Jehova ay nakahihigit kaysa mga kapighatian. Kung ako’y muling bibigyan ng pagkakataong maulit ang aking buhay, nais kong gugulin ang aking buong panahon sa pagpuri sa dakilang Diyos na si Jehova.” Walang karera sa sanlibutan ang makapagdudulot ng panloob na kasiyahan at kagalakan gaya ng landasing ito. Ang pagtataguyod sa buhay ng buong-panahong paglilingkod ay isang kapahayagan ng maka-diyos na debosyon na nagdudulot ng mga gantimpala ngayon at sa hinaharap.—1 Tim. 4:8.
3 Ang karera sa buong-panahong ministeryo ay nagdudulot ng kaligayahan sapagka’t ito’y may kinalaman sa saganang pagbibigay. (Gawa 20:35) Ang pakikipagkaibigan kay Jehova at sa kaniyang Anak ay nalilinang at napatitibay sa higit na pagsasagawa ng mga kapakanang pang-Kaharian. (Luc. 16:9; 1 Cor. 15:58) Ang pagiging kontento at pagkakaroon ng malinis na budhi ay nararanasan dahilan sa kayo ay buong-kaluluwang gumagawa ayon sa inyong mga kalagayan. Ang inyong higit na disiplinadong paraan ng pamumuhay ay nagpapangyari sa inyong maging higit na masunurin sa utos ni Kristo na ‘hanapin muna ang kaharian.’—Mat. 6:33.
MAGING PASULONG SA INYONG MINISTERYO
4 Ang karera ay nagsasangkot sa pagtataguyod ng pasulong na tunguhin sa ilang larangan o pagsisikap. Ang pasulong na tunguhin ay mahalaga sa pagtitiis at sa pagpapanatili sa kagalakan at sigasig ng isang payunir. Si Jehova ay naglalaan ng espirituwal na edukasyon sa mga pulong at mga asamblea. Karagdagan dito ang mga pulong kasama ng mga matatanda sa Enero at kasama ang tagapangasiwa ng sirkito kapag siya’y dumadalaw. Sa linggo ng pansirkitong asamblea, isang pantanging sesyon ang isinaayos para sa mga payunir. Kayo ba ay kumukuha ng mga nota at taimtim na ikinakapit ang mga mungkahi na ibinibigay sa mga pulong na ito?
5 Kung hindi kayo nagsasagawa ng isang pasulong na pag-aaral sa Bibliya, taglay ba ninyo ito bilang inyong tunguhin? Maaari ba ninyong pasulungin ang inyong mga pambungad sa mga pintuan o ang paraan ng inyong pagharap sa mga pagtutol? Naisaalang-alang na ba ninyo na lumipat sa kongregasyong nangangailangan ng tulong? Sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng mga bagay na ito kayo ay maaaring sumulong sa inyong karera.
6 Kung taimtim ninyong isinasaalang-alang ang pagsali sa gawaing payunir, patuloy na manalangin kay Jehova sa bagay na ito. (Mat. 7:7, 8) Marami ang nagkaroon ng higit na pananalig kay Jehova sa pamamagitan ng pagiging mga auxiliary payunir muna.
7 Hindi naman dahilan sa pagtataglay ng di pangkaraniwang mga kakayahan kaya naging payunir ang isang tao. Ang tunay na pag-ibig sa Diyos at sa mga tao, lakip na ang pagnanais na gumawa ng personal na pagsasakripisyo, ay siyang kailangan. (Mat. 22:37-39; Fil. 4:13) Kaya abutin at panghawakan ang ministeryo ng pagpapayunir bilang inyong karera!