Tularan si Kristo sa Iyong Ministeryo
1 Nagpakita si Jesus ng halimbawa para matularan natin siya sa ating ministeryo. Makikita sa maraming pagkakataon at sa maraming paraan ang kaniyang masidhing pag-ibig sa Diyos at sa tao. Itinuro niya ang katotohanan sa maaamo at nagpakita ng maibiging-kabaitan sa mga napipighati at naaapi.—Mat. 9:35.
2 Halimbawa at mga Turo ni Jesus: Si Jesus ay hindi nakisangkot sa pulitika o sa mga pagkakawanggawa para makinabang ang komunidad. Ni hindi niya ginawang pangunahin sa kaniyang buhay ang pagsasagawa ng ibang kapuri-puring mga bagay. (Luc. 8:1) Sa halip, nagtuon siya ng pansin sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos bilang ang tanging permanenteng solusyon sa mga problema ng sangkatauhan. Mahalaga ang gawain ni Jesus at limitado lamang ang kaniyang panahon para gawin ito. Nang nasa Capernaum si Jesus, nais ng mga tao na manatili siya roon. Pero sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Pumunta tayo sa ibang dako . . . upang makapangaral din ako roon, sapagkat sa layuning ito ako lumabas.”—Mar. 1:38.
3 Pagkatapos niyang sanayin ang kaniyang mga alagad, isinugo sila ni Jesus at binigyan ng espesipikong mga tagubilin: “Mangaral [kayo], na sinasabi, ‘Ang kaharian ng langit ay malapit na.’” (Mat. 10:7) Itinuro niya sa kaniyang mga tagasunod na dapat nilang unahin sa kanilang buhay ang mga kapakanan ng Kaharian. (Mat. 6:33) Bago umakyat si Jesus sa langit, nilinaw ng huling mga pananalita niya sa kaniyang mga alagad kung ano ang kanilang gagawin. Sinabi niya: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.”—Mat. 28:19.
4 Kahalagahan ng Kaharian: Ang pangunahing paksang ipinakikipag-usap ni Jesus ay ang Kaharian ng Diyos, at hinimok niya ang kaniyang mga alagad na tularan ang kaniyang halimbawa. Hindi magtatagumpay ang mga pagsisikap ng tao na lutasin ang problema ng sangkatauhan. (Jer. 10:23) Tanging ang Kaharian ng Diyos lamang ang magpapabanal sa pangalan ng Diyos at magbibigay ng permanenteng kaginhawahan sa sangkatauhan. (Mat. 6:9, 10) Ang pagtuturo ng mga katotohanan hinggil sa Kaharian sa mga taong “nagbubuntunghininga at dumaraing dahil sa lahat ng karima-rimarim na bagay” ay tutulong sa kanila na magkaroon ng maligaya at matagumpay na buhay ngayon at manghawakan sa isang mapananaligang pag-asa sa hinaharap.—Ezek. 9:4.
5 May mahalagang papel pa ring ginagampanan si Jesus sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, at tinitiyak niya sa atin na aalalayan niya tayo. (Mat. 28:20) Lubusan ba nating tinutularan sa ating ministeryo ang halimbawang ipinakita ni Jesus? (1 Ped. 2:21) Sa mahalagang yugtong ito ng mga huling araw, gawin nawa natin ang ating buong makakaya na tularang mabuti ang halimbawang ipinakita ni Jesus sa ministeryo!