Isang Mabisang Patotoo ang Maibibigay
1. Bukod sa pahayag, ano pa ang makapagpapakilos sa mga bisita sa Memoryal? Ipaliwanag.
1 Kailan? Sa gabi ng Memoryal. Malaking pagsisikap ang ginawa para imbitahan ang mga tao na dumalo sa Memoryal. Hindi lang ang maririnig ng mga bisita ang makapagpapakilos sa kanila. Pagkatapos dumalo sa Memoryal, isang babae ang nagkomento hinggil sa nakita niya—ang pagiging palakaibigan ng lahat at ang malinis at magandang gusali na itinayo at minantini ng mga boluntaryo. Kaya lahat tayo, hindi lang ang tagapagsalita, ay makapagpapatotoo sa pinakamahalagang okasyon ng taon.—Efe. 4:16.
2. Paano makapagpapatotoo ang bawat isa sa atin sa mga bisita?
2 Maging Palakaibigan sa mga Bisita: Ang ating ngiti at mainit na pagbati sa mga bisita ay makapagbibigay ng patotoo. (Juan 13:35) Kahit hindi mo makausap ang lahat, maaari ka namang makipagkilala sa mga katabi mo. (Heb. 13:1, 2) Lapitan ang mga bisita na parang walang kakilala. Baka nakatanggap sila ng imbitasyon sa panahon ng kampanya. Puwede mong itanong, “First time mong dumalo?” Yayain mo silang tumabi sa iyo, at sabihin na handa kang sagutin ang anumang tanong nila. Kung kailangang umalis agad ng inyong kongregasyon dahil may ibang gagamit ng pasilidad, maaari mong sabihin: “Gusto kong malaman kung ano ang masasabi mo sa programa. Puwede ba kitang dalawin o tawagan sa telepono?”
3. Ano ang gagawin nating pagtanggap sa mga di-aktibo?
3 Tanggapin ang mga Di-aktibo: Tiyak na may mga di-aktibo na dadalo, pati na ang ilan na dumadalo lang tuwing Memoryal. Sabihin sa kanila na talagang natutuwa kang makita sila. (Roma 15:7) Pagkatapos ng Memoryal, maaari silang dalawin agad ng mga elder para pasiglahin silang patuloy na makisama sa kongregasyon. Dalangin natin na marami sa mga dumalo ang mapakilos na purihin ang Diyos hindi lang dahil sa narinig nila kundi dahil na rin sa nakita nila ‘bilang resulta ng ating maiinam na gawa na dito sila ay mga saksi.’—1 Ped. 2:12.