Paano Natin Matutulungan ang mga Dadalo sa Memoryal?
1. Anong mapuwersang patotoo ang maririnig sa Marso 22, 2008?
1 Sa Marso 22, 2008, milyun-milyong tao sa buong daigdig ang makaririnig ng isang mapuwersang patotoo. Mapapakinggan ng mga dadalo sa Memoryal ang hinggil sa dakilang pag-ibig ni Jehova sa paglalaan ng pantubos para sa sangkatauhan. (Juan 3:16) Malalaman nila ang tungkol sa Kaharian at kung paano ito gagamitin ni Jehova upang tuparin ang kaniyang kalooban sa buong lupa. (Mat. 6:9, 10) Masasaksihan nila mismo ang pag-ibig at pagkakaisa ng bayan ng Diyos at mararanasan nila ang ating mainit na pagtanggap.—Awit 133:1.
2. Paano natin matutulungan ang mga estudyante sa Bibliya na dadalo sa Memoryal?
2 Estudyante sa Bibliya: Ang ilan sa mga dadalo ay kasisimula pa lamang makipag-aral ng Bibliya sa atin. Ipakilala sila sa mga kapatid. Ipaliwanag sa kanila ang lingguhang pagpupulong, at ilibot sila sandali sa Kingdom Hall. Sa panahon ng pahayag, pasisiglahin sila ng tagapagsalita na patuloy na sumulong sa espirituwal. Maaari mong gamitin ang mga komentong ito ng tagapagsalita bilang batayan para pasiglahin ang iyong mga estudyante.
3. Paano natin mapasisigla ang di-aktibong mga mamamahayag na nagsidalo sa Memoryal?
3 Di-aktibo: Ang ilan sa mga dadalo ay di-aktibong mga mamamahayag. Ikaw ang maunang lumapit at malugod silang tanggapin. Iwasang magtanong ng personal na mga bagay o magsalita ng anumang bagay na ikakapahiya nila. Pagkaraan ng Memoryal, dapat dalawin agad ng mga elder ang sinumang di-aktibo na dumalo, pasalamatan sila sa kanilang pagsisikap na makadalo, at malugod silang anyayahan sa susunod na pulong ng kongregasyon.
4. Paano matutulungan ng bawat isa sa atin ang mga bisita?
4 Bisita: Ang ilan sa mga dadalo ay maaaring mga kakilala natin o mga miyembro ng ating pamilya na tayo mismo ang nag-anyaya. Ang iba naman ay maaaring nakatanggap ng imbitasyon sa panahon ng espesyal na kampanya. Kung may makita kang mga hindi mo kilala, magkusa kang lapitan sila, ipakilala ang iyong sarili, at malugod silang tanggapin. Maaaring hindi pa nila nasubukang dumalo sa alinmang pagpupulong natin. Sa inyong pag-uusap, baka puwede mong alamin kung paano mo sila makokontak. Kung personal mo silang dadalawin o tatawagan sandali sa telepono ilang araw makalipas ang Memoryal, maaari mong malinang ang kanilang interes at makapag-alok ka ng pag-aaral sa Bibliya.
5. Ano ang maaari nating sabihin para makapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya?
5 Ang impormasyon sa pahayag sa Memoryal ay magagamit bilang saligan para ipakita ang aklat na Itinuturo ng Bibliya sa pagdalaw-muli. Halimbawa, babasahin ng tagapagsalita sa Memoryal ang Isaias 65:21-23. Sa pagdalaw-muli, maaari mong banggitin ang pahayag at sabihin, “Gusto kong ipakita sa iyo ang iba pang pagpapalang matatamo dahil sa pantubos.” Pagkatapos, talakayin ang pahina 4-5 ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. O maaari mong sabihin, “Marami ang nag-iisip kung kailan natin mararanasan ang katuparan ng hula ni Isaias.” Pagkatapos, talakayin ang parapo 1-3 ng kabanata 9. Ang isa pang paraan ay basta banggitin ang mga sinabi ng tagapagsalita sa Memoryal. Pagkatapos, ipakita ang aklat na Itinuturo ng Bibliya, at itanghal kung paano ito pinag-aaralan.
6. Anong mga pagkakataon ang maaari nating samantalahin habang sinusunod natin ang utos ni Jesus na alalahanin ang kaniyang kamatayan?
6 Nawa’y samantalahin ng bawat isa sa atin ang mga pagkakataon upang tulungan ang mga estudyante sa Bibliya, di-aktibong mamamahayag, at mga bisita na dadalo sa Memoryal. (Luc. 22:19) Tiyak na pagpapalain ni Jehova ang anumang karagdagang ginagawa natin sa paglilingkod sa Kaharian.